Mga likhang–sining ng award–winning watercolor artist, patuloy na kinabibiliban

  • Hinahangaan ang likhang–sining ng isang award–winning watercolor artist sa social media
  • Watercolor ang medium na gamit niya sa pagpipinta na ang kadalasang tema ay tungkol sa pagkabata
  • Nagbigay siya ng mensahe sa mga aspiring artist na nais sundan ang kaniyang yapak

Lahat ng tao ay may taglay na talento na dapat ipagmalaki sa buong mundo. Ang iba ay mahusay sa pagsulat at pagbuo ng kuwento, o kaya’y magaling sumabay sa imbay ng tugtugin, maaaring kahanga–hanga sa pag–awit sa saliw ng musika, o pagpapahayag ng damdamin at saloobin sa pamamagitan ng lapis at pinta. Napakarami pa.

Isa sa mga hinahangaan ngayon sa social media ang mga likhang–sining na likha ni “Ronnel Pascua”, isang award–winning watercolor artist. Batay sa kaniyang Facebook account na nagsisilbi rin niyang “online gallery”, makikita at talaga namang pinag–uusapan ang mga obra maestra niyang gawa sa watercolor.

Imahe mula sa Facebook account ni Ronnel Pascua

Mapapansin sa kaniyang mga likhang–sining na mahusay niyang naisalarawan ang kaniyang mga ipinintang tao, bagay, at lugar dahil litaw na litaw ang mga kaliit–liitang detalye nito. Mabisa rin ang pagpaparating ng mensahe nito, na maaaring makapagpabalik sa matatamis na gunita ng pagkabata at iba pang mga karanasan sa buhay.

Si Pascua ay tubong Victoria, Oriental Mindoro ako at nakapag–aral ng Bachelor of Fine Arts sa Far Eastern University sa Maynila, subalit hindi niya ito natapos. Hindi rito nagwakas ang pagpapamalas ng kaniyang talento sapagkat patuloy siya sa pagguhit at pagpinta.

“Kadalasang subject sa mga painting ko ay mga bata, napakasarap kasing balikan yung mga aktibidad natin noong mga bata pa tayo, at ‘yun ang mga karaniwang laman ng mga piyesa ko, mga larong bata, gawi ng mga bata, na kapag nakita mo, hindi puwedeng hindi mo maalala ang mga gawi mo noon,” ayon kay Pascua.

Watercolor umano ang nag–iisang medium na gamit ng artist, at “realist” ang tawag sa estilo ng kaniyang pagpipinta sapagkat nakabatay ang kaniyang mga likha sa mga larawan o photo na siya rin mismo ang kumukuha.

Nagpipinta umano siya dahil ito ang hilig niya, ito ang gusto niyang gawin, na nais niya namang ibahagi sa iba.  Sa ganitong paraan daw ay naibabalik niya sa Poong Maykapal ang ipinahiram na talento sa kaniya.

Bagama’t marami na siyang parangal na natanggap, tunay na ipinagmamalaki ng watercolor artist ang pagkakawagi sa 13th National Painting Competition ng GSIS o Government Service Insurance System noong 2017. Ang kaniyang likhang “Moving up” ay itinanghal na ikatlong gantimpala para sa representational category.

Imahe mula sa Facebook account ni Ronnel Pascua

Mensahe niya para sa mga aspiring artist na nais tularan ang kaniyang yapak, “Walang sikreto ang pagiging mahusay, lahat ay nadadaan sa praktis at consistent na pagtitiyagang matuto at humusay, praktis at tiyaga lang sigurado akong magiging isa kang mahusay. Goodluck sa inyo.”

Saludo po kami sa inyo, Sir Ronnel Pascua! Ipagpatuloy lamang po ninyo ang pagpipinta ng mga likhang–sining na nagpapabalik sa gunita ng aming pagkabata!

Loading…