Mga lumabag sa quarantine guidelines sa Bacoor, Cavite dinala sa sementeryo

  • Kakaibang panakot ng mga awtoridad sa Bacoor, Cavite laban sa mga violators ng quarantine guidelines
  • Ang mga lumabag ay dinala sa sementeryo kung saan sila pinangaralan
  • Tiyak na sa sementeryo raw ang kahahantungan ng mga matitigas ang ulo na sumusuway sa enhanced community quarantine kapag nahawahan ng coronavirus

Ipinakita ng mga awtoridad sa Bacoor, Cavite sa mga dinampot na violators kung ano ang posibleng kahahantungan ng mga lumalabag sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon – ang sementeryo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sinuyod ng mga awtoridad ang kalsada sa iba’t ibang barangay sa Bacoor Miyekules ng tanghali, ika-1 ng Abril, at dinampot ang 81 violators ng enhanced community quarantine. Kabilang sa kanila ang mga nasa kalsada ngunit walang home quarantine pass at ang iba naman ay gumagamit ng pases na hindi nakapangalan sa kanila.

Diretsong isinakay sa ilang sasakyan ng mga awtoridad ang mga dinampot na violators at dinala sa sementeryo. Ito umano ang kanilang paraan upang maipakita kung ano ang maaaring mangyari sa kanila kung mahawahan ng COVID-19.

Sa loob ng sementeryo ay pinangaralan sila ng hepe ng pulisya ng Bacoor.

“Bakit ‘andito kayo sa sementeryo? Dahil ang lugar na ito ang pinaka-safe na lang dito na hindi tayo magkahawa-hawa. Kahit ano gawin niyo hindi na makakahawa ang mga patay na ‘yan. Gusto niyong sumunod dyan?” pananakot ng hepe ng Bacoor City p0lice Lt. Col. Vicente Cabatingan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sari-sari naman ang idinahilan ng mga violators. Naroong nalimutan daw sa bahay ang home quarantine pass at mayroon namang nagsabi na inutusan lang siyang bumili ng gamot dahil ang may-ari ng quarantine pass ay may sakit.

Ayon naman kay Michael Saquitan, chairman ng Barangay Molino 2, may ilan din silang nahuhuling namemeke ng quarantine pass.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Nanawagan si Saquitan sa lahat ng mamamayan, hindi lang ng Cavite kundi ng buong bansa, na makiisa at makipagtulungan sa mga awtoridad na nagpapatupad ng mga quarantine guidelines.

Pinauwi rin ang mga violators matapos masermunan, subalit sasampahan din umano sila ng kaukulang kaso.

Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…