Mga pedia nagsagawa ng drive thru bakuna

Imahe mula sa GMA News | Dr. Andrew Vicencio
  • Dahil marami ang natatakot na pumunta sa ospital dahil sa COVID-19, nagdesisyon ang ilang mga pedia na magsagawa ng drive thru vaccination
  • Ito raw ay para sa mga emergency cases kagaya na lamang ng mga nakagat o nakalmot ng aso o pusa dahil hindi ito maaaring ipagpaliban
  • Payo ng doktor sa mga magulang, manatili muna sa bahay at ihabol ang bakuna ng anak kapag inalis na ang enhanced community quaratine

Maraming mga magulang ang natatakot na dalhin ang kanilang mga anak sa medical facilities upang mabakunahan dahil na rin sa banta ng COVID-19, kaya naman isang grupo ng mga pediatrician ang nagsimula ng drive thru vaccination para sa mga emergency cases.

Imahe mula sa GMA News

Paliwanag ni Dr. Andrew Vicencio ng Philippine Pediatric Society sa GMA News, may kasunduan sa pagitan ng magulang at doktor kapag nagsasagawa nito.

“Hindi naman po kasi lahat ng doktor ay magbibigay ng ganitong serbisyo. Pero kami pong mga private doctors, lalo yung may mga inaalagaan kaming pasyente, gumagawa at humahanap po kami ng paraan upang maipagpatuloy ang aming serbisyo sa kanila despite ng ating enhanced community quarantine,” paliwanag ni Dr. Vicencio.

Nagsasagawa sila ng immunization sa mga pasyenteng nakagat o nakalmot ng aso o pusa dahil hindi raw maaaring ipagpaliban ito.

Imahe mula sa GMA News | Dr. Andrew Vicencio

Samantala, iyong mga nais na magpakonsulta ay maaari raw gawin ito sa pamamagitan ng video call.

Pinayuhan niya rin ang mga magulang ng mga sanggol na mag-set ng appointment sa kanilang doktor kapag natapos na ang enhanced community quarantine upang mabakunahan ang kanilang anak.

“Manatili po muna kayo sa bahay at ‘pag na-lift po ang ECQ, mas maganda po makipag-appointment na po kayo sa doktor para mahabol po ninyo ang mga naantalang bakuna ng inyong mga anak,” aniya.

Dagdag niya pa, walang dapat ipag-alala basta’t sinusunod ang payo ng gobyerno. “As long as nagfa-follow po tayo sa ECQ, hindi po tayo lumalabas ng bahay, mababawasan po natin ang tyansa na makakuha ng sakit, hindi lamang po COVID,” paalala niya.

Source :

YouTube, GMA News

Loading…