Mga Pilipino pinagbabawalan nang pumitas ng malunggay sa Dubai, ayon sa isang paskil doon

  • Isang paskil para sa mga Pinoy sa Dubai ang viral ngayon sa social media
  • Paalala ito para sa mga Pilipino na huwag mamitas ng mga tanim na malunggay doon
  • Iba-ibang opinyon naman ang inani ng nasabing paskil tungkol sa mga Pinoy sa Dubai

Kilala ang malunggay dahil sa magandang benepisyo nito sa katawan. At ngayong mayroong banta ng C0VID-19 sa mundo, sinasabing isa ang malunggay sa mga gulay na makapagbibigay ng sapat na sigla at sustansiya sa katawan upang labanan ang kinatatakutang karamdaman.

Dahil dito, maraming residente na rin sa Dubai, United Arab Emirates ang nagtatanim nito sa kanilang mga bakuran. Ngunit ang mga tanim na malunggay rin na ito sa Gitnang Silangan ang dahilan kung bakit trending ang mga Pilipino sa nasabing rehiyon.

Larawan mula sa Facebook post ni Edmund Jadol

Kumakalat kasi sa social media ang larawan ng isang paskil sa halamang malunggay. Nakalagay sa paskil ang mensahe para sa mga Filipina na huwag kumuha ng dahon ng malunggay dahil bagong pinatutubo lamang ang mga ito.

Ibinahagi ni Edmund Jadol sa kanyang Facebook post ang nasabing larawan kasabay ang panawagan sa mga Pilipino na huwag naman daw basta-basta mamitas na lamang ng malunggay na makikita sa Dubai. Karaniwan kasing nasa tabi lang ng daanan nakatanim ang mga ito at madali nga namang kumuha na lang.

Alam na alam na raw ng mga Arabo na mga Pinoy ang kumukuha ng malunggay at tila ito na raw ang nagiging imahe ng mga kababayan natin sa nasabing bansa. Hikayat pa ni Edmund, sana raw ay bumili na lang ang mga Pilipino sa palengke kaysa kumuha ng malunggay nang walang paalam.

“Mga kabayan! Haha. Let’s not pick the malunggays sa Dubai hahah wala kayo sa Pinas! Alam na alam na kayo kumukuha hahah. Marami naman n’yan sa fish market baka 1Dhs lang isang tumpok n’yan hehe. Naka identify yung nationality natin oh oist! Haha. Baka isipin nila lahat ng Pinoy after sa malunggay nila,” sabi ni Edmund sa kanyang post.

Larawan mula sa Freepik

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang post ni Edmund. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang higit 8,000 reactions na karamihan ay ‘haha’ at 6,400 shares ang nasabing post. May ilang sumang-ayon kay Edmund at sinabing wala nga tayo sa sarili nating bansa kaya naman dapat ay igalang natin ang tanim ng mga residente roon.

Gayunman, may ilan namang nagkomento at sinabing may kamahalan daw talaga ang malunggay sa Dubai kumpara sa Pilipinas na madalas ay hinihingi lang sa kapitbahay. Sabi pa ng isa, pumapayag naman daw ang ilang Arabo na pumitas ang mga Pinoy sa kanilang tanim basta magpapaalam nang maayos.

Loading…