Mga pribadong grupong magsasagawa ng relief operations kailangang may permit mula sa LGUs

  • Iniutos ng DILG na ang mga grupong magsasagawa ng relief operations ay kailangang humingi ng sertipikasyon sa mga LGU
  • Ginagawang palusot ng ilang grupo ang relief operations upang makadaan sa checkpoints
  • Nilinaw ng DILG na hindi binabawalan ang pagsasagawa ng relief operations, nais lang umano nilang limitahan ang galaw ng mga tao

Kailangang kumuha ng permit ang mga pribadong grupo na magsasagawa ng relief operation sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Imahe mula sa PRO3

SInabi ni DILG Undersecretary at spokesman Jonathan Malaya na kailangan ng sertipikasyon mula sa local government unit (LGU) kung saan gagawin ang relief operation upang padaanin sila sa mga checkpoints.

Aniya, dapat ay maayos ang pakikipagkoordinasyon ng grupo sa LGU bago magsagawa ng pamamahagi ang mga relief goods sa mga komunidad.

Sinabi pa ni Usec Malaya na batay sa report na natatanggap nila sa Joint Task Force COVID Shield na pinamumunuan ni Lt. General Guillermo Eleazar may mga grupo na nagpapalusot sa mga checkpoints at ang ginagamit na dahilan ay may relief operation daw silang gagawin.

“Madami pong nagpapalusot sa mga checkpoints natin at ang ginagawang dahilan ay sila po ay magka-conduct ng relief operation,” ani Usec. Malaya.

Ipinaalala niya na ang kautusan ng pamahalaan sa publiko ay “stay at home.” At dahil ginagamit na palusot ang relief operation para makadaan sa mga checkpoints ay minabuti raw ni DILG Secretary Eduardo Año i-require ang mga relief operation groups na humingi ng sertipikasyon mula sa mga LGU.

Imahe mula sa PRO3

“Based on the report Joint Task Force Covid Shield, dahil ginagamit na palusot ang relief ops, minabuti ni Secretary Año na maglabas ng kautusan na lahat ng relief operations ay magpakita ng certification galing sa LGU na sila ay nakipag-ugnayan para mamigay ng relief goods,” aniya.

Nilinaw ni Malaya na hindi nila binabawalan ang mga tao na magsagawa ng relief operations. Nais lang umano nilang limitahan ang galaw ng mga tao upang maprotektahanan ng mga volunteers at komunidad.

Loading…