Mga residente na nag-rally para humingi ng pagkain at iba pang ayuda, dinampot ng QCPD

  • Mga residente ng Quezon City nagprotesta dahil walang natanggap na ayuda
  • Hinuli ng QCPD ang 20 protesters matapos tumanggi sa pakiusap na magsiuwi na lang sa kanilang mga tahanan
  • Naniniwala ang city government na may mga taong nagbuyo sa mga residente para magprotesta

Dinampot ng mga miyembro ng Quezon City  Police District (QCPD) ang 20 residente na kabilang sa mga nagsagawa ng protesta laban sa lokal na pamahalaan ng Quezon City dahil  hindi pa rin umano sila nabibigyan ng ayuda sa gitna ng ipinatutupad na enhance community quarantine.

Screenshot mula sa video ng PTV News

Inakusahan ng grupo ng Samahang Magkakapitbahay  mula sa Sitio San Roque Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City na namimili lang ng tutulungan si Mayor Joy Belmonte at  Barangay Chairman Rody Palma.

“Ngayon po ‘yung pangako nila sa sinabi ni Pres. Duterte na i-house-to-house ‘yung tulong papunta sa amin – ‘yung bigas, ‘yung grocery – wala po kaming natanggap,” reklamo ng lider ng Samahang Magkapitbahay na nakilalang si Jocy Lopez.

Itinanggi naman ng alkalde ang paratang ng grupo at sinabing patuloy pa rin ang pamamahagi nila ng food packs sa mga residente ng lungsod. Dokumentado at may listahan naman umano ang mga nabigyan na ng mga ayuda.

Bukas naman sa lahat at maaaring silipin ninuman ang nasabing listahan sa ngalan ng transparency. Magkagayunpaman, inatasan ni Mayor Belmonte ang mga city personnel na muling suriin ang listahan upang matiyak kung may mga residenteng nakaligtaan o nalampasan.

Screenshot mula sa video ng PTV News

Naniniwala umano ang city government na may nagbuyo sa mga residente upang magtipon-tipon dahil may ipamamahagi raw na relief goods sa lugar.

“’Yung mga tao akala po nila may bigayan talaga, eh pagdating nila doon ‘yung mga hard core ng Kadamay ‘yun na po ang nagpainit at nag-instigate na wala daw pong ibinigay na relief goods ang atin pong lungsod… ang atin pong barangay. Pero sa katotohanan po mayroon nang ibinigay ang barangay,” sabi ni Ranulfo Rannie Ludovica, Action Officer ng QC Task Force Disiplina.

Screenshot mula sa video ng PTV News

Ayon sa miyembro ng QCPD na rumesponde, pinakiusapan nila ang mga taong nag-protesta na magsiuwi na lang sa kanilang mga tahanan, ngunit tumanggi raw ang mga ito kaya napilitan silang manghuli.

Dinala sa Camp Karingal ang mga hinuli. Haharap sila sa patung-patong na kaso.

Source :

UNTV, PTV News

Loading…