Mga senior citizen naaktuhang nagtatagayan at nagsusugal sa Bacoor, Cavite

  • Maraming residente ng Bacoor, Cavite ang hindi sumusunod sa “Stay at Home” order ng pamahalaan
  • Ilang senior citizens ang naaktuhang nagtatagayan sa labas ng kanilang bahay
  • Naaktuhan ding nagsusugal ang ilan pang senior citizens sa naturang lugar

Ilang kalalakihang residente ang naaktuhang nagtatagayan at nagsusugal sa Bacoor, Cavite sa kabila ng mga restriksyon at “stay-at-home” order na ipinatutupad ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Screenshot mula sa GMA video

Habang nagpapatrulya sa lugar ang mga awtoridad, natanaw nila ang mga residenteng nagtatagayan at nagsusugal sa labas ng kanilang mga tahanan. Nasa harapan ng dalawang lamesa ang mga matatandang nagsusugal na bukod sa hindi na sinusunod ang social distancing ay wala pa silang suot na face masks.

Ang pagsusuot ng face masks ay isa nang mandatory requirement sa lahat ng mga residente sa Luzon kapag nasa labas ng bahay.

Katwiran naman ng mga matatandang nagtatagayan, magkakalayo sila at sinusunod ang patakaran ng social distancing.

Dalawang lalaki pa ang naaktuhang umiinom ng serbesa sa harap ng isang tindahan. Agad naman na umamin ang dalawa nang komprontahin ng mga awtoridad.

Isa pang lalaki ang nahuli na sa sobrang kalanguan ay pinagsisigawan pa niya ang mga awtoridad.

Screenshot mula sa GMA video

Binigyang-diin ni P/Lieutenant Colonel Vicente Cabatinga, hepe ng Bacoor PNP, na ang lahat ng kanilang mga nadakip ay haharap sa mga karampatang kaso.

Nanawagan si Cabatinga sa mga residente na makipagtulungan sa mga nagpapatupad ng batas dahil ang kanilang ginagawa ay para sa kabutihan ng lahat.

“Ang ginagawa namin ay para sa inyo. Ang dami pa rin talagang pasaway kahit sa umaga. Ang hirap talaga sa part namin dahil ‘yong kulungan namin eh punong puno na. Padagdag nang padagdag lalo pa itong mga violation dito sa ECQ so napakahirap po sa part namin. Sana magtulungan,” aniya.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon kay PNP deputy chief for operations at  Joint Task Force COVID-19 Shield head P/Lieutenant General Guillermo Eleazar, umabot na sa 64,946 ang mga nahuli nilang lumabag sa ECQ.

Loading…