Mga tricycle drivers at operators, dumagsa sa Quezon City Hall para sa ayudang P2,000

  • Namigay ng 2,000 pisong ayuda o cash assistance ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga tricycle drivers at operations noong Sabado De Gloria, Abril 11, 2020
  • Makatatanggap din umano ng tulong–pinansyal ang mga jeepney at pedicab drivers, mga nagtitinda sa palengke, solo parents, at mga PWD’s
  • May ilang mga drivers naman ang nagreklamo at nagmungkahing sana raw ay iniabot na lamang sa mga presidente ng kanilang mga TODA o asosasyon ang ayuda para hindi na sila nagkatipon–tipon doon bilang pagtalima na rin sa protocols ng social distancing

Dumagsa ang mga tricycle drivers at operators sa harapan ng Quezon City Hall nitong Abril 11, 2020, Black Saturday, upang kunin ang ayudang 2,000 piso mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod, dahil sa hindi nila pagbiyahe ayon na rin sa direktiba ng enhanced community quarantine na ipinatutupad sa buong Luzon.

Ibinida sa Facebook page ng lungsod na “Quezon City Government” ang pamamahagi ng 2,000 pisong cash assistance sa mga tricycle drivers at operators, na isinagawa sa City Hall upang maipaabot agad ang tulong–pinansyal nang mas mabilis at ligtas.

Imahe mula sa Facebook page ng Quezon City Government

Isinaalang-alang din nila umano ang kapakanan ng mga empleyado para matiyak na hindi magkakagulo sa kasagsagan ng distribusyon at masunod ang protocols sa social distancing.

Bukod umano sa mga tricycle driver at operators, makatatanggap din ng ayuda ang mga jeepney at pedicab drivers, mga nagtitinda sa palengke, solo parents, at mga Person with Disabilities o PWD’s. Alinsunod sa mga alituntunin ng COA, direktang ibibigay ang mga ayuda sa mga benepisyaryo upang maiwasan ang katiwalian.

Ayon naman sa Twitter post ng GMA News, umabot sa East Avenue ang dulo ng pila ng mga tricycle drivers at operators na kukuha ng cash assistance sa City Hall. Reklamo naman ng ilang mga drivers, sana raw ay iniabot na lamang sa mga presidente ng kanilang mga TODA o asosasyon ang ayuda para hindi na sila nagkatipon–tipon doon. Batay kasi sa mga kuhang larawan, mukhang hindi nasunod ang protocols para sa social distancing.

Imahe mula sa Twitter account ng GMA News

Iginiit naman ng lokal na pamahalaan ng QC na nagpapatupad sila ng social distancing sa pamimigay ng ayuda sa City Hall. Sa katunayan, may mga itinalaga silang pulis at guwardiya na hindi naman pumapalya sa pagpapaalala sa mga tao na maglayo–layo sa isa’t isa ng may isang metro.

Sa mga susunod na araw, patuloy raw ang pamimigay ng ayuda sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Loading…