Mga truck drivers na dati raw ay madalas kainisan sa kalye, iginagalang na ngayon dahil nagsisilbi nang frontliners

  • Inilahad ng isang netizen ang nararanasang pagpapahalaga ng mga truck driver ngayong may ECQ na hindi raw nila nakukuha noon
  • Mas iginagalang na raw sila ng kapuwa motorista at ng mga awtoridad dahil dala nila ang mahahalagang suplay ng bansa
  • Hiling ng netizens, sana raw kahit wala nang pandemic ay patuloy nating igalang ang mga truck drivers na laging frontliners

Mahalagang nagpapatuloy ang pagdating ng suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan natin ngayong nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon. Kahit na nag-iingat tayo sa banta ng C0VID-19, tuloy ang trabaho para sa marami sa atin lalo na iyong mga nagdadala ng pagkain at iba pang serbisyo.

Isa sa mga maituturing na frontliners ang mga truck drivers na patuloy ang trabaho. Dahil sa kanila ay naipadadala ang mga pagkain at iba pang produkto na kailangan ng mga mamamayan. Kaugnay dito inilahad ng netizen na si Lei Gnana ang mga sakripisyo at pagbabagong nararanasan ng mga nagmamaneho ng delivery trucks ngayon.

Larawan mula kay Lei Gnana

Ayon sa post ni Lei, bago raw naipatupad ang lockdown, madalas na nakararanas ng diskriminasyon ang mga truck drivers sa lansangan. Madalas daw na ma-ticketan ang mga ito ng mga awtoridad. Madalas ding mabusinahan ng mga pribadong sasakyan dahil nga mayroong kabagalan ang ilang truck dahil sa laki at bigat ng mga ito.

Ngunit dahil frontliners ang turing sa mga truck drivers, ngayon daw ay prayoridad na sila ng mga nasa posisyon na padaanin sa mga checkpoints. Hindi na rin umano nakatatanggap ng busina mula sa ibang motorista ang mga tsuper ng truck dahil batid ng mga ito na dala nila ang mahahalagang supplies na inaasahan ng marami ngayon.

Lahad pa ni Lei, marami daw sa mga truck driver na ito ay hindi na umuuwi sa kani-kanilang mga pamilya dahil sa ECQ.

Ang mga minamaneho nilang truck ang nagsisilbi na rin nilang tahanan sa mga ganitong panahon. Hindi rin kasi sila makauwi sa kanila dahil mahigpit ang pamahalaan sa pagpapadaan sa mga checkpoint at wala ring transportasyon.

“Sinasakripisyo nila ang kaligtasan nila, imbis na nasa bahay din sila, at nag-iingat sa sarili at pamilya, eh hindi, nasa daan sila naghahatid ng supplies natin. Natutulog sila sa loob ng truck nila imbes na sa bahay nila. Hindi sila makauwi sa pamilya nila dahil sa lockdown kaya tuloy lang ang pagmamaneho para maihatid ang pangangailangan nating mga nasa bahay,” pahayag ni Lei sa kanyang post.

Larawan mula kay Lei Gnana

Hiling ni Lei, sana raw matapos ang laban natin sa pandemic ay tuloy-tuloy pa rin ang paggalang at pagpapahalagang matanggap ng mga truck driver. Sana raw ay hindi rito matapos ang pagmamahal na nakukuha ng mga bayani ng bansa, mayroon mang ECQ o wala.

“Sa susunod na may makasabay kang truck at truck driver sa daan, sana maisip natin yung halaga nila at naging parte sila para malagpasan natin tong pinagdadaanan natin ngayon. They are part of the ESSENTIALS. Hindi lang mga doktor o pulis o iba pa ang mga heroes sa ngayon, pati mga DRIVERS din at mga unit na dala nila,” pagpapatuloy ni Lei.

Saludo sa ating mga truck drivers!

Loading…