Mocha Uson kontrobersyal muli dahil sa ‘mass gathering’ sa mga OFW sa resort sa Batangas; Uson nagpaliwanag

  • Pinuna ng mga netizens ang diumano’y pagsasagawa ni Mocha Uson ng mass gathering sa isang resort sa Batangas
  • Nagtungo roon si Uson upang kausapin umano ang mga quarantined OFW na sumunod sa mga protocol
  • Pero giit ni Uson, pagdating daw nila ay naroon na sa kubol ang mga OFW at nag-observe naman daw sila ng physical distancing

Trending muli ang Deputy Administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Margaux ‘Mocha’ Uson dahil sa ginawa niyang pagdalaw sa ilang overseas Filipino workers (OFW) na naka-quarantine sa Batangas.

Sa mga ibinahagi kasing larawan ni Uson sa kanyang official Facebook account, makikita na kumpol-kumpol ang mga OFW sa isang tent na nakatayo sa isang resort sa Lian, Batangas. Nasa 322 OFW kasi ang naroon bilang bahagi ng 14-day requirement ng bansa bago tuluyang pauuwiin sa kanilang mga pamilya.

Larawan mula sa Facebook post ni Mocha Uson

Pero hindi nagustuhan ng netizens ang pa-event na ito ni Uson dahil sa ipinagbabawal ngayon ang mass gatherings katulad ng naganap sa pagdalaw ni Uson. Bagama’t mayroong mask ang bawat isa, ayon sa netizens ay maituturing pa rin itong mass gathering dahil sa dami ng dumalo at tila nagkaroon ng programa dahil kita sa larawang nagsasalita si Uson.

Giit pa ng ilang netizens, nawala umano ang physical distancing sa nasabing event dahil dikit-dikit daw ang mga dumalo. Ngunit nagpaliwanag si Uson tungkol sa kontrobersya at sinabing bago pa man siya dumating ay nagtipon na umano ang mga OFW nang hindi nila alam.

“On our part since  hindi nga maganda ang dating nito na mass gathering nga ang itinatawag nila though mayroon namang social distancing, napagdesisyunan namin na gagawa na lang kami ng mga leaflets itong mga reminders at ipapadala na lang namin sa kanilang mga kwarto kasabay ng mga foods nila,” sabi ni Uson sa ABS-CBN News.

Sinadya rin umano ni Uson ang mga OFW sa nasabing resort dahil nabalitaan nito na lumalabas ng kuwarto ang ilan at nagpupunta pa sa beach area. Pinagsabihan na raw nila ang mga ito at nagbigay na raw sila ng babala sa mga ito.

Larawan mula sa Facebook post ni Mocha Uson

Iginiit din ni Uson na hindi naman daw sila nagtagal sa ginawa nilang pagdalaw at pagsasalita sa harap ng kumpol ng OFW sa Batangas. Ginawa rin daw nila ang naaayon sa social distancing upang maiwasan ang pagkalat ng C0VID-19 kung mayroon mang positibo sa mga naka-quarantine na OFW.

Bandang huli, nagpasaring pa si Uson sa kanyang mga kritiko. Ayon sa kanya, lahat naman daw ng bashers ay may masasabi sa kahit anong gawin niya kaya naman hiling niya sa panahong ito ay suporta.

“Ganiyan naman talaga kahit ano namang gawin natin may masasabi at masasabi ang iba, ang pakiusap lang natin lahat naman tayo dito ay apektado ng COVID, ano na lang po konting pang-unawa, suporta,” dagdag ni Uson.

Loading…