‘Most Behaved’ barangay sa Alfonso, Cavite tatanggap ng 10 lechon, 100 dressed chicken

Imahe mula sa Pixabay at Facebook | Randy Salamat
  • Nakaisip ng kakaibang paraan ang alkalde ng Alfonso, Cavite upang himukin ang kaniyang mga nasasakupan na sumunod sa enhanced community quarantine (ECQ) guidelines
  • Mula April 27 hanggang May 15, 2020 ay imo-monitor nila kung aling barangay ang may pinakakaunting violators
  • Ang ‘Most Behaved’ barangay ay tatanggap ng 10 lechong baboy at 100 dressed chicken

Upang himukin ang kaniyang mga nasasakupan na sumunod sa enhanced community quarantine (ECQ) guidelines ay naglunsad si Alfonso, Cavite Mayor Randy Salamat ng isang paligsahan kung saan ang barangay na wala o may pinakakaunting violators ay tatanggap ng 10 lechong baboy at 100 dressed chicken bilang premyo.

Imahe mula sa Facebook | Randy Salamat

Mula April 27 hanggang May 15, 2020 ay imo-monitor nila kung aling barangay ang “Most Behaved” o sumusunod sa ECQ guidelines, kasama na ang social distancing at pananatili sa loob ng bahay kung wala namang mahalagang gagawin sa labas.

Ang lechong baboy ay donasyon nina Ysrael Landicho at Dodo Credo habang ang manok naman ay galing kina Janina Salamat at Robie Sartorio.

“Ayan, may kumasa na sa challenge. Parang fiesta ang barangay na mananalo nito. Kaya behave na kayo ha?” ani Salamat sa kaniyang post.

Imahe mula sa Facebook | Randy Salamat

Game na game naman dito ang mga residente at kaniya-kaniyang tag pa sa kanilang mga ka-barangay upang himukin ang mga ito na sumunod sa ECQ guidelines.

“Wow, very good, Mayor! Marami nang susunod sa quarantine basta may premyo. Mga kababayan, please stay at home. Para sa ating lahat ito. Maawa kayo sa iba kung hindi kayo naaawa sa pamilya ninyo,” ani Nora M.

Ngunit ang ilan, nakiusap na sana ay sumunod ang mga residente may premyo man o wala dahil para rin naman ito sa kanilang kapakanan.

“Sana po kahit walang premyo ay ‘wag na tayong magpasaway…Manatili na lang po tayo sa bahay para tayo po ay ligtas sa virus. Sana matapos na po ang krisis na ito,” ani Riza L.

 

Loading…