Mwah mwah tsup tsup: Pass the cake challenge ginawa ng Dabarkads para sa birthday ni Bossing Vic Sotto

  • Simple ang naging kaarawan ni Bossing Vic Sotto ngayong taon
  • Ipinagdiwang ng Dabarkads niya sa Eat Bulaga ang kaarawan niya sa isang video
  • Ginawa ng mga EB host ang pass the cake challenge na mapapanood sa EB Facebook page

Isa sa mga inaabangan ng mga loyal viewers ng Eat Bulaga o mas kilala bilang Dabarkads ay ang kaarawan ng nag-iisang Bossing ng show na si Vic Sotto. Kadalasan, kapag sumasapit na ang buwan ng Abril, umpisa ng month-long celebration ng kaarawan ni Bossing sa show.

Pero ngayong nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang malaking bahagi ng bansa, naiiba ang selebrasyon ng Dabarkads sa birthday ni Bossing ngayong taon. Idinaan na lamang sa isang video ng mga host ang kanilang surpresa para kay Vic.

Larawan mula sa Facebook video ng Eat Bulaga

Sa official Facebook page ng Eat Bulaga, in-upload ang isang video kung saan kumpleto ang EB hosts na ginagawa ang ‘pass the cake challenge.’ Dahil walang cake sa kani-kanilang mga bahay, kanya-kanyang diskarte na lang ang mga Dabarkads at nilagyan ng kandila ang ulam o anumang bagay na mayroon sa kanilang bahay.

Present sa nasabing video ang dating magkatambal na sina Maine Mendoza at Alden Richards na magkasunod na napanood sa video. Sinundan sila ng iba pang Dabarkdads tulad nina Ryzza Mae Dizon, Ryan Agoncillo, Pia Guanio, Backlash Diva Echo, Anjo Yllana, Baeby Baste, Allan K, Jimmy Santos, Ruby Rodriguez, Jose Manalo, Wally Bayola, at Joey de Leon.

Siyempre, finale ng video ang pagdating ng cake sa bahay nina Bossing na iniabot sa kanya ng misis at kapuwa EB host na si Pauleen Luna. Isang matamis na ngiti naman ang isinukli ni Bossing sa munting surpresa ng mga kasamahan sa trabaho para sa kanyang kaarawan.

Habang isinusulat ang istoryang ito, nasa tatlong oras pa lamang naka-upload ang video ngunit umabot na sa halos 800,000 ang views. Mayroon na rin itong 145,000 reactions, 27,000 comments, at 4,000 shares.

Larawan mula sa Facebook video ng Eat Bulaga

Dumagsa naman ang pagbati mula sa mga tagahanga ni Bossing. Ayon sa kanila, sana raw ay bumalik na ang lahat sa normal dahil miss na nilang mapanood ang kwelang barkadahan ng Eat Bulaga lalo na ang mapagbigay na si Bossing.

Hindi rin nila nalimot na batiin ang host ng kanilang signature greeting na “Happy birthday Bossing mwah mwah tsup tsup!” na madalas marinig sa mga Dabarkads kapag kaarawan ng main host ng programa.

Panoorin ang pass the cake surprise para kay Bossing!

Loading…