Naaksidenteng frontliner, nakiusap na tulungan sila ng pamahalaan sa transportasyon

  • May pakiusap ang isang nurse na frontliners sa pamahalaan
  • Sana raw ay magkaroon ng exemption sa kanila pagdating sa ipinatutupad na social distancing sa mga sasakyang pantransportasyon upang makapasok nang maluwalhati sa kanilang mga trabaho
  • Naaksidente kasi siya sa electric scooter na binili para sa kaniya ng asawa

Sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang lalawigan sa Visayas at Mindanao, isa sa mga suliraning lumitaw ang transportasyon para sa mga frontliners na sa halip na nasa kani–kanilang mga bahay, ay piniling lumabas, magtrabaho, at maglingkod para sa kapwa–Pilipino batay sa kanilang tungkulin.

Kaya naman, isang nurse na itinuturing na isa sa mga frontliners, na naaksidente dahil sa pagsakay sa electric scooter dahil sa pagbabawal ng pamahalaan na umangkas sa motor, ang naglabas ng kaniyang hinaing sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Kate Napoles

Salaysay ni Nurse Kate Napoles, “Ako po ay isang nurse at frontliner ngayon. Bago ka pa man makapunta sa trabaho, isang malaking sakripisyo na sa amin ang pagpasok at pag–uwi. Walang ruta na umiikot sa amin. Kakailanganin ko pa maglakad ng 10-12 kanto para makapunta sa itinupad na pick up point.”

Aniya, may motor daw sila subalit ipinagbawal ang back riding dahil sa social distancing. Kaya naman binilhan siya ng electric scooter ng kaniyang asawa upang magamit niya sa pagpasok. Pinag–aralan naman niya ito, subalit dahil hindi sanay, naaksidente siya. Makikita sa kaniyang post ang mga larawan ng X–ray sa kaniyang mga nabaling buto.

Kaya may pakiusap ang naturang nurse sa pamahalaan. “Nakikiusap ako bilang frontliner na sana exempted na lang kami, since walang maayos na transportation. Kahit anong pakiusap ko, dahil sa walang consideration na panukala ninyo, kaming mga frontliners ay sobrang pagod at bugbog na!”

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens, lalo na sa kaniyang mga kaibigang patuloy na sumusuporta at nananalangin sa mabilis na paggaling niya.

“Sana gumaling ka agad… Promise sagot na kita saan man ganapin ang outing/bonding ng buong tropa after nitong pandemic na to for doing a great job and sacrifices this time of our lives… So proud of you!,” sabi ng isa sa kaniyang mga kaibigan.

Imahe mula sa Facebook account ni Kate Napoles

Turan naman ng isang estranghero, “Kudos po sa inyong mga health workers na patuloy na sinusuong ang panganib para lamang makapaglingkod.”

Mabuhay po kayo Nurse Kate! Hangad po namin ang inyong mabilisang paggaling!

Loading…