Nakalimutang mga itlog ng manok na ipinamahagi bilang ayuda, napisa at naging “instant alaga”

  • Napisa ang mga itlog ng manok na kasama sa ayudang natanggap ng guro sa isang lungsod sa Bulacan
  • May “instant alagang” sisiw tuloy ang guro na nagpapasalamat dahil may mapagkakaabalahan na siya habang ECQ
  • Aminado kasi siyang naaapektuhan ang kaniyang emosyon o damdamin dahil sa kawalang katiyakan kung kailan tuluyang mawawala o maglalaho ang pandemya

Biglang nagkaroon ng mga alagang sisiw ang isang guro sa San Jose Del Monte, Bulacan matapos mapisa ang mga itlog ng manok na kasama sa mga ipinamahaging food packs para sa mga residente, kaugnay na rin ng ipinatutupad na enhanced community quarantine upang masawata ang paglaganap at pananalasa ng COVID-19.

Ayon sa salaysay ni Teacher Irene Villanueva-Baniqued mula sa Andres Bonifacio Elementary School, inabisuhan na siya ng mga namimigay ng relief goods na ang ilan sa mga itlog ay balut.  Dahil mahilig umano siyang kumain nito,  itinabi muna niya sa food warmer ang ilan sa mga itlog habang niluto niya ang iba.

Imahe mula sa Twitter post ng DZMM Teleradyo/Public Domain Image

Makalipas lamang ang isang linggo, laking gulat ng guro nang makarinig siya ng malilit na huni ng sisiw sa food warmer na kaniyang pinaglagyan ng mga itlog. Nang alisin niya ang takip nito, nasilayan niya ang pitong sisiw na nagmula sa napisang mga itlog ng manok, na nagmula naman sa relief goods.

Nagpapasalamat ang guro dahil nalihis sa mga sisiw ang kaniyang atensyon. Mayroon na raw siyang mga aalagaan. Aminado kasi siyang naaapektuhan ang kaniyang emosyon o damdamin dahil sa kawalang katiyakan kung kailan tuluyang mawawala o maglalaho ang pandemya.

“Nag-pray ako sa Lord, teach us the good attitude towards this pandemic kasi kung magiging pangit attitude ko, parang lalong mas bibigat ‘yung sitwasyon. Nakikita naman po ng Lord ang pinagdadaanan natin, at siya ang nakakalaam at plano kung kailan matatapos po ito,” saad ng guro sa panayam ng DZMM.

Public Domain Image

Matatandaang may ganito ring pangyayari sa ibang netizen kung saan napisa naman ang itlog ng balut at pinangalan itong “Cobibe” bilang simbolo ng pag–asa laban sa COVID–19.

Samantala, muling pinalawig ang enhanced community quarantine sa National Capital Region, Central Luzon, at iba pang mga rehiyon sa bansa hanggang Mayo 15 na nagtala ng maraming kompirmadong kaso ng pandemya.

Loading…