Namahagi ng biyaya: Lalaking nagdiwang ng kaarawan, namigay ng relief goods sa mga kababayan imbes na maghanda

  • Hinangaan ang isang lalaki mula sa SJDM, Bulacan na imbes na magdiwang ng kaarawan ay mas piniling magbigay sa kapuwa
  • Hindi na naghanda ang lalaki bagkus ay nagbalot at namahagi na lang ito ng relief goods sa kanyang mga kabarangay
  • Makikita naman ang matatamis na ngiti ng mga nabiyayaan ng ayuda ng kagandahang loob ng lalaki

Ngayong may kinahaharap na krisis ang buong mundo dahil sa pandemic na C0VID-19, bawat tulong, maliit man o malaki, na ibinibigay natin sa kapuwa ay nakapagbibigay ng ginhawa. Mula sa mga simpleng tao hanggang sa kilalang personalidad, lahat ay mayroong paraan upang makagaan sa pasanin ng maraming kababayan ngayon.

Ito ang pinatunayan ng isang lalaki mula sa Barangay Fatima V, City of San Jose del Monte, Bulacan na mas piniling mamigay ng relief goods sa kanyang mga kababayan kaysa maghanda para sa kanyang kaarawan.

Larawan mula kay Anacleto Moralita Jaromay Jr.

In-upload ng Facebook page na Balitang SJDM ang larawan ng isang lalaki na abala sa pagbabalot ng mga pagkain, kabilang ang mga delata, bigas, instant noodles, kape, at asukal para sa mga kapitbahay at kabarangay. Orihinal na kuha raw ni Anacleto Moralita Jaromay Jr. ang mga larawan. Bagaman hindi nalinaw sa upload kung sino ang lalaki sa larawan, marami ang nagkomento na kilala raw sa lugar nila ang lalaki bilang si Boss Dagul.

Kita rin sa larawan na personal na iniabot ng lalaki ang kanyang mga ibinalot na relief goods. Masisilayan sa larawan ang taos-pus0ng pasasalamat ng mga nabigyan. Nakaantig ang ngiting walang katumbas na isinukli ng mga nabiyayaan ng relief goods.

“Good deeds: Isang residente ng Barangay Fatima V, mas piniling i-celebrate ang kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng pamimigay ng tulong sa kaniyang mga kabarangay na naapektuhan ng enhanced community quarantine,” sabi ng Balitang SJDM post.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa higit 1,500 reactions, 200 comments, at 100 shares ang kabutihang ipinamalas ng ginoo. May mga kapitbahay naman ang lalaki na proud sa ginawa niyang ito. Marami din ang nagpaabot ng magagandang mensahe para sa lalaki.

Larawan mula kay Anacleto Moralita Jaromay Jr.

“Hindi napagod. Kahit birthday niya, nasa isip pa rin makatulong. Happy birthday po, more power. Keep safe and God bless you more,” sabi ng isang netizen na humanga sa kabutihan ng lalaki.

Dahil dito, maraming mga kababayan ng lalaki ang nakakuha ng inspirasyon na tumulong sa mga nangangailangan kahit simple man ang kanilang mga maging paraan.

Loading…