Naranasan mo ba? Pinagdugtong na sipit sa sampay, astig na Gundam robot ng mga batang 90s

  • Nakagawian ng mga bata noon na gumawa ng kanilang sariling laruan
  • Isa sa mga ito ay ang paggawa ng robot gamit ang mga sipit sa sampay ni nanay
  • Karaniwang ang Gundam robots ang inspirasyon ng mga bata noon sa paggawa ng sipit robots

Simple lang ang madalas na kaligayah ng mga bata noon. Dahil hindi pa uso ang masyadong maraming gadgets noon, mas nakatuon ang atensiyon ng mga kabataan sa mga laruang payak at karaniwang sila lang din ang gumagawa.

Uso na noon pa man ang robot na laruan. Gayunman, hindi naman lahat ay may kakayahang makabili nito. Dahil dito, mayroong diskarte ang mga bata noon para gumawa ng sarili nilang ‘astig’ na robot. Karamihan sa mga bata noon ay masaya nang makalikha ng kanilang laruang robot gamit ang pinagdugtong na sipit sa sampay.

Larawan mula kay kami_robo_yasui via Gundam World FB

Isa sa mga nauso noong robot ay ang Gundam. Nauso ito dahil maraming binebentang ganito na ikaw ang gagawa ng sarili mong robot. Pero sa mga kapos ang budget, sipit na lang sa sampay ang binubuo nila. Binubuo ang buong katawan ng robot gamit ang mga sipit na iba-iba pa ang kulay.

Iyon nga lang, madalas na sanhi rin ito ng sermunan ng mag-iina dahil nauubos ang mga sipit ni nanay sa sinampay. Ang iba nga ay nasisira pa dahil ang ilan ay pinaglalaban ang mga gawa nilang Gundam sipit. Minsan, hindi rin nagpapaalam ang mga bata at basta na lang pakikialaman ang mga sipit ni nanay kaya naman pag naglaba siya ay wala na siyang magamit.

Ang mismong page nga sa Facebook ng Gundam World ay binigyang pugay ang pagkamalikhain ng mga bata noon. Mula sa napakaraming sipit, gumawa ang Twitter user na si kami_robo_yasui ng kanyang berisyon ng Gundam sipit na mabusisi at madetalye. Naging mukhang legit na Gundam nga ito dahil sa maayos na pagkakagawa.

Larawan mula kay kami_robo_yasui via Gundam World FB

Maraming batang 90s at 2000s din ang natuwa rito. Nag-viral pa nga sa Facebook ang nasabing larawan na kasalukuyan ay mayroon nang 3,500 reactions, 500 comments, at 9,100 shares. Marami din ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa paggawa ng Gundam sipit.

Kapag daw ginaya nila ang mabusising Gundam robot ay tiyak na maraming nanay daw ang magagalit dahil sa gagamitin ang kanilang sipit sa sampay. Ang iba naman ay sinabing malaking bahagi ng kanilang kabataan ang mga gawang robot mula sa sipit.

Loading…