Navotas Mayor Toby Tiangco ido-donate ang suweldo hanggang matapos ang termino

Imahe mula sa Facebook | Toby Tiangco
  • Ido-donate ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang kabuuan ng kaniyang suweldo mula April 2020 hanggang matapos ang kaniyang termino sa June 2022
  • Umabot ito ng halos P3.3 million
  • Ipinauubaya niya na raw sa City Social Welfare Development Office ang pagdedesisyon kung ilan at sinu-sino ang bibigyan nito

Inanunsyo ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na idodonate niya ang kabuuan ng kaniyang suweldo mula April 2020 hanggang matapos ang kaniyang termino sa June 2022 upang magsilbing pondo para sa mga pamilyang hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program.

Imahe mula sa Facebook | Toby Tiangco

“Pina-compute ko po ang suweldo ko simula April 2020 hanggang matapos ang termino ko sa June 2022. Ito ay aabot sa P3,291,809.76 (P121,918.88 x 27 months),” aniya sa isang post sa kaniyang opisyal na Facebook page.

“Kahit hindi ko pa natatanggap ito, ido-donate ko na ang buong halaga para mabigyan ang mga kababayan nating hindi nakatanggap ng SAP.”

Ipinauubaya niya na raw sa Navotas City Social Welfare Development Office (CSWDO) ang pagpili ng bibigyan at halaga ng ibibigay.

“Ang payo ko lang ay isiping mabuti kung magkano ang ibibigay at sino ang bibigyan. Halimbawa po, kapag P8,000 per family, 411 families ang mabibigyan. Kapag P4,000 per family, 822 families ang mabibigyan,” paliwanag ng alkalde.

Imahe mula sa Facebook | Toby Tiangco

Nakiusap din si Tiangco na huwag sanang magagalit sa mga taga-CSWDO kung hindi sila mapipili.

“Hindi po gusto ng CSWDO ang mamili. Sa tingin ko walang matinong tao ang gugustuhin ng responsibilidad na ito, gayong alam naman natin na hindi lahat ay mabibigyan,” saad niya. “Ang pakiusap ko lang, ‘wag tayong magalit sa kanila kung hindi tayo mapipili. Mahirap po talaga itong gawin.”

Umaasa siyang makatutulong ang kaniyang donasyon para sa mga pinakanaapektuhan ng COVID-19 pandemic.

“Alam ko pong hindi pa rin ito sapat para mabigyan ang lahat ng mga apektado. Pagpasensyahan niyo na po ang aking nakayanan. Nawa’y makatulong po ito para maibsan ang hirap na ating dinadanas ngayon, lalo na sa mga pamilyang walang-wala sa buhay.”

Source :

Facebook

Loading…