Netizen ibinida ang teknik ng Bacoor, Cavite upang masunod ang social distancing sa palengke

  • May teknik ang lokal na pamahalaan ng Bacoor, Cavite upang masunod ang social distancing sa isa sa kanilang mga palengke
  • Naglagay sila ng mga bilog sa kalsada na tatapakan ng mga tao kapag pipila sila
  • Hinango raw ang teknik na ito sa ibang bansa

Simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine at mapahaba pa ito dahil sa tumataas na mga kompirmadong kaso na nahahawahan ng COVID–19, hindi pa rin matapos-tapos ang mga balita na nagpapakita ng paglabag ng marami sa ipinatutupad na social distancing, lalo na sa mga pamilihan.

Kaya naman, ibinida ng isang netizen na nagngangalang “Jad Rey” sa kaniyang Facebook post ang teknik na naisip ng lokal na pamahalaan ng Bacoor sa lalawigan ng Cavite upang masunod ang social distancing sa isang pamilihan.

Makikita sa mga kalakip na larawan na binilugan ng mga awtoridad ang kalsada na may agwat na isang metro. Dito tatayo ang mga mamimili para sa pila.

Imahe mula sa Facebook account ni Jad Rey

“Hto na po ang magiging pila at social distancing ng mga mamamalengke sa Bacoor Zapote Market. Ginagawa na po ang lahat sa lungsod ng Bacoor para po sa inyong kaligtasan. Ingat po kayong lahat,” ayon sa kaniyang caption.

Umani naman ito ng samo’t saring reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hindi naman kailangang dumating sa punto na iyan na kailangan pang pintahan ng circles ang mga kalye para lamang masunod ang social distancing. It goes to show na wala talagang disiplina ang karamihan sa mga Pinoy. Simpleng instructions na para sa ikabubuti nila, hindi pa masunod nang maayos at kailangan pa spoon feeding,” bulalas ng isa.

Nagpasalamat naman ang isa sa mga frontliners. “Thank you sa ating mga frontliners na nagtiyagang maglagay ng bilog sa mga kalsada at hindi inalintana ang init. Ok po iyan, good job, mga kabayan sunod lang po tayo para ligtas tayo sa hawahan, sana gayahin ng lahat ng lugar.”

“Ganyan din sa ibang bansa like Lebanon and South America, which is mas maganda mag–social distancing talaga. Ewan ko na lang talaga kung may magmamatigas pa ng ulo na makipagsiksikan diyan,” sabi naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Jad Rey

Ipinakikiusap ng mga awtoridad na may bilog man o wala, sumunod sana ang publiko sa social distancing upang masugpo na ang pagkalat ng COVID–19 at maibalik na sa “dating normal” ang lahat.

Loading…