Netizen inilarawan ang mga posibleng mararanasan kapag nagkaroon ng COVID–19

  • Inilarawan ng isang netizen ang mga posibleng mararanasan ng isang pasyente ng COVID–19 
  • Ibinatay niya ang kaniyang paglalarawan batay sa balita at nababasa sa social media
  • Nilinaw niyang hindi siya nagkaroon nito; ito ay dulot lamang ng kaniyang imahinasyong nakabatay sa katotohanan

Sabi nga, may mga bagay sa mundong ito na hindi mo lubusang mailalarawan hangga’t hindi ito nararanasan. Sa kabilang banda, may mga bagay ring hindi mo gugustuhing maranasan upang mailarawan lamang ito. Sapat na ang “foresight” o kaya’y pagmamasid batay sa karanasan ng iba.

Gaya na lamang ng isang netizen na nagngangalang “Ismael” kung saan sinubukan niyang ilarawan at ipadama sa iba ang mga posibleng mararanasan ng isang tao kapag tinamaan ng sakit na ito, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Public Domain Image

“Kapag nahawa ka ng COVID–19, mararanasan mo ang pinakamataas na lagnat sa buong buhay mo at hindi ito kagaya ng trangkaso o sinat,” panimula ng post.

Dagdag na paglalarawan pa niya, “Babagal ang paghinga mo na parang may bulak na nakapasak sa butas ng ilong mo. Kapag huminga ka para punuin ang baga mo ay agad kang mahahapo dahil parang barado ang dibdib mo at dito ka na magsisimulang matakot at nerbyusin.”

Sa pagpapatuloy, “Uubo ka nang uubo at tuyong–tuyo ang lalamunan mo hanggang mahapo ka na halos himatayin. Habang paulit–ulit itong nagaganap ang dibdib mo, braso, likod, daliri sa kamay at paa ay kikirot nang lubha. Pipilitin mong huminga sa ilong at mabibigo ka kaya kakabitan ka nila ng oxygen kung saan mararamdaman mo na parang sinisilaban ang lagusan ng iyong ngalangala at ang sakit ay palala nang palala.”

Sumunod, “At kapag tuluyan ka nang hindi makahinga, isa pang doktor ang darating at sasalpakan ka ng kalahating dangkal na tubo na sa lalamunan papunta sa baga mo. Ito ay pansamantalang hingahan mo na nakakainis at nakakabwisit na napakasakit dahil namamaga at nagsusugat na ang lalamunan mo at sa pagkakataong ito ay hindi ka na makakakain o makakapagsalita.

Imahe mula sa Facebook account ni Ismael Michael/Public Domain Image

Panghuli, lahat ng ito ay mararanasan nang mag–isa. Makararamdam daw ang sinuman ng matinding lumbay. Kaya paunawa niya, sumunod ang lahat sa direktiba ng pamahalaan na huwag lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan.

Nilinaw ng netizen na hindi siya naging pasyente ng COVID–19. Naging mabisa ang kaniyang paglalarawan batay lamang sa kaniyang mga napapanood sa balita at nababasang mga testimonya ng mga taong gumaling na sa social media. Sana raw ay makatulong ang kaniyang post na mapagtanto ng mga tao na seryoso ang laban kontra virus.

Source :

Facebook

Loading…