Netizen may panawagan para sa mga frontliners na walang masakyan

  • May panawagan ang isang netizen para sa mga frontliners
  • Sana raw ay damihan pa ang mga shuttle service para hindi na sila mahirapan sa transportasyon
  • Ibinahagi niya ang kanilang karanasan hinggil sa pagkakahuli at paniniket sa kanila sa kalsada dahil umano sa paglabag sa social distancing, na ang ending ay pinayagan din silang bumiyahe nang may angkas sa motor

Isa sa mga naparalisa dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine ang transportasyon. Paraan ito upang mapigilan ang pagtungo ng mga tao sa iba’t ibang lugar. Bukod sa mga tsuper na umaasa sa kanilang pamamasada, lubos na naapektuhan din dito ang mga frontliners na walang sariling sasakyan upang makapasok sa kanilang mga trabaho.

Kaya naman, nanawagan ang isang netizen sa kaniyang Facebook post na nagngangalang “Michael” na sana raw ay bigyan ng tulong ang mga frontliners, lalo na ang mga health care workers, pahinggil sa kanilang transportasyon upang makapasok sa kanilang mga trabaho.

Imahe mula sa Facebook account ni Michael Villanueva

Nag-ugat ito sa kaniyang karanasan noong Abril 25, 2020 kung saan inihatid niya ang kaniyang sister in law na isang health care worker sa pinapasukan nitong ospital sa Quezon City. Dahil motor lamang ang kaniyang sasakyan, inagkas niya ang sister in law kahit na ito ay labag sa direktiba ng social distancing. Nanggaling pa umano sila sa Barangay Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sinita at tiniketan umano siya ng isang MMDA officer dahil sa paglabag sa social distancing. Todo paliwanag naman ang netizen, na sana ay ikonsidera ang kanilang sitwasyon dahil sa kawalan ng available na shuttle service. Pinababa na lamang sa motor ang hipag ng netizen at sinabihang maghintay na lamang sa parating na service na maghahatid sa kaniya sa ospital.

“After 30 minutes sa gitna ng init, walang masakyan yung hipag ko, may dumaang bus na service pang–frontliners pero hindi ito huminto, nag–decide po akong maghintay makasakay lang hipag ko pero hindi pa rin po siya nakasakay,” salaysay ng netizen.

Sa huli, pinayagan na umano siya ng humuling MMDA officer na maihatid ang kaniyang pinsan gamit ang motor dahil natiketan na naman siya. Hindi matanggap ng netizen na may violation ticket at 5,000 pisong tubusin pa siya, papayagan naman pala ang pagpapasakay sa motor.

Imahe mula sa Facebook account ni Michael Villanueva

“Pasensya na po kung wala akong ibang way para makatulong sa ating health workers pero sana this should be given an immediate attention lalo na po sa mga city mayors mabigyan ninyo po sana sila ng exemptions or maayos na service na may sapat na oras, karamihan po sa health workers natin hirap po kapag papasok sa hospital,” panawagan ng netizen.

Dagdag pa niya, “Because all health workers are not just going to work to earn money and to feed their family. But they come in to help us in terms of medical procedures, wherein we need more at this situation.”

Samantala, may tugon na ang MMDa kaugnay sa kanyang panawagan.

“We are very sorry but there are no exemptions based on the guidelines of IATF and the Department of the Interior and Local Government, ‘no angkas’ policy tayo,” pahayag ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Ayon kay Pialago, tama ang ginawang paghuli kay Villanueva, subalit mali ang ginawa ng constable na pinasakay ulit sa motorsiklo ang frontliner.

“‘Yung traffic constable, dapat nakipag-coordinate sa aming mobile base para nakapagpadala ng mobile para ibaba ang frontliner sa pinakamalapit na waiting area at i-coordinate doon sa mga shuttle services at libreng sakay. Hindi niya dapat pinabayaan at hindi pinasakay uli. Sa bagay na ‘yun, mali ang aming traffic constable,” anang MMDA spokesperson.

Loading…