Netizen may panawagan sa ngalan ng ‘SAKLAPP’ o Samahan ng mga Asawang Kailangan Lumabas Papuntang Palengke

  • Nagpaabot ng mensahe ang isang netizen mula sa unofficial group na “SAKLAPP” o Samahan ng mga Asawang Kailangan Lumabas Papuntang Palengke
  • Nagbigay ito ng ilang mga paalala para mas mapadali ang kanilang pamimili ngayong panahon ng C0VID-19 pandemic
  • Paalala rin ng netizen, huwag silang pandirihan pagkatapos nilang magpunta sa mga pamilihan, bagkus ay abutan na lang sila ng mga kailangan para agad na makaligo

Viral sa social media ang panawagan ng isang netizen sa ngalan ng ilan pang mga miyembro ng unofficial group na kung tawagin ay “SAKLAPP” o Samahan ng mga Asawang Kailangan Lumabas Papuntang Palengke.

Imahe mula sa Pixabay

Sa Facebook post ng kinilalang si Danny Fernandez noong April 17, mababasa ang ilan niyang mga paalala sa mga miyembro ng pamilya na masuwerteng naiiwan sa bahay, habang ang mga katulad niya ay nagsisilbing “alay” ngayong panahon ng C0VID-19 pandemic.

Una sa panawagan ng netizen ay ang tamang paglilista ng mga dapat bilhin sa grocery at palengke.

“Kung maaari ay magkakasama ang mga non-food essentials at food essentials para hindi pabalik-balik sa napuntahan na. Yung mantika nakalista sa No. 1 tapos yung toyo nasa No. 50, lakas ng trip nyo a,” pabirong sabi nito sa mga naglilista ng mga kinakailangan mula sa mga pamilihan.

Iginiit niya na dapat kumpleto ang detalye ng mga pinabibili at dapat kumpleto ang nakalista para hindi naman sayang ang oras ng kanilang pagpila at paghihintay.

“Tanggapin na kami ay madalas magkakamali. Mahirap mamalengke kung hindi ka sanay tumingin kung gaano kapula dapat ang mapulang hasang, kung gaano karami ang isang tali ng sitaw at kung anong klaseng sinigang mix (e.g. tamarind, pang isda, pang baboy, pang hipon, pang biyenan etc.),” aniya.

Paalala rin ng netizen, huwag silang pandirihan pagkatapos nilang magpunta sa mga pamilihan, bagkus ay abutan na lang sila ng mga kailangan para agad na makaligo.

I-click ang imahe para mabasa ang buong post

“Huwag kaming pandirihan,” sabi nito.

“Kesa sumigaw ng ‘Huwag ka munang pumasok baka nahawa ka na’ habang rinig ng buong barangay, iwanan na lang kami ng alcohol, basahan at damit pamalit sa malapit sa pinto para diretso na kami sa banyo para maligo. Kayo rin, pag mabango na kami, who you kayo sa amin,” pabirong dagdag niya.

Marami naman ang natuwa sa mensahe ni Danilo sa ngalan ng ilan pang mga miyembro ng “SAKLAPP.” Patok din sa ilan ang mga pabirong banat ng netizen para pagaanin ang loob ng karamihan.

Source :

Facebook

Loading…