Netizen nadismaya sa balita na isang lalaking nabigyan ng ayuda, bumili lang ng droga

  • Nadismaya ang isang netizen sa balitang tumambad sa kaniya
  • Hinggil ito sa isang lalaking nakatanggap ng ayuda o tulong–pinansyal mula sa pamahalaan, ngunit sa halip na ipambili ng suplay sa bahay, ay ‘ibang suplay’ ang binili niya
  • Nagbulalas din ng kanilang pagkadismaya ang mga netizens sa naturang lalaki

Hindi naging madali ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon, dahil bukod sa suliraning pangkalusugan, naging mabigat na suliranin din ito ng maraming mga mamamayang na kinakailangang magtrabaho at kumita upang mapakain at masustentuhan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw–araw.

Naging solusyon dito ang pagbibigay ng ayuda o tulong–pinansyal mula sa bawat lokal na pamahalaan, mga ahensiya o departamento na nauukol dito gaya ng DOLE at DSWD, bukod pa sa iba’t ibang mga pribadong sektor, pangkat, o indibidwal na pagkukusa ng mga nagnanais na magpaabot ng ayuda. Kaya naman, ikinadismaya ng isang netizen na nagngangalang “Paulo” ang balitang bumungad sa kaniya, na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Paulo Ramirez/GMA News

“Pag–open ko ng tv… Mapapa–(isang uri ng mura) ka na lang talaga…” ayon sa caption ng naturang netizen. Ibinalita kasi sa “24 Oras” ng GMA Network ang isang hinuling lalaki na bumili ng isang pakete ng ipinagbabawal na gamot, matapos makatanggap ng ayuda na 6, 500 piso mula sa pamahalaan.

Nanggalaiti rin ang iba pang mga netizens at hindi napigilang magbulalas ng kanilang saloobin hinggil sa balitang ito.

Sabi ng isa, “Palibhasa hindi pinaghirapan ang pera. Mapalad na nga kayo eh. Puwede namang pagkaing pang–one week o kaya isang sakong bigas ang binili niya. Iyon ngang pinaghihirapan nilang pera nagtatabi sila ng pambisyo, iyan pa kayang hindi nila pinaghirapan?

“Huwag tanggalin ang tulong, ayusin lang ang proseso ng pagpili ng tutulungan. Madalas kasi hindi naman totoo ang background check,” palagay naman ng isa hinggil sa 4P’s o Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.

Pahayag naman ng isa, “Maging responsable naman po sana ang mga kababayan natin sa paggasta ng ayudang matatanggap mula sa pamahalaan. Habang marami po ang mga nagmamakaawa, ang iba’y napiit pa, para lamang makakuha nito, heto ang isang ito na hindi ginagastos sa tama ang pera ng mga tax payers.”

Public Domain Image

Ang naturang lalaki ay umeekstra lamang daw bilang karpintero at bumili siya ng ipinagbabawal na gamot bilang pampalakas niya umani para hindi siya mapagod sa trabaho. May ganoon? tsk tsk

Nakalulungkot, hindi ba?

Loading…