Netizen, sinariwa ang “Dance Dance Revolution” video game

  • Sinariwa ng isang netizen ang video game na “Dance Dance Revolution”
  • Ito ay itinuturing na “pioneering series of the rhythm and dance genre” sa larangan ng video games
  • Sinumang manlalaro nito ay kailangang tumuntong sa isang “dance platform” o ang entablado nito at kinakailangan niyang tapakan ang mga colored arrows na ididikta ng musical at visual cues

Ngayong ipinatutupad pa ang extended enhanced community quarantine, marami sa mga kababayan natin ang naiinip na, at kung hindi man naiinip, nagsisimula nang “lumobo” dahil nasa bahay lamang at mapalad na nakakakain. Ang iba naman, sinasamantala ang pagkakataon upang makapag–ehersisyo sa iba’t ibang paraan.

Bago pa man mauso ang online games, mauso ang pagsayaw sa harapan ng TikTok video, o kaya naman ay pagsu–Zumba, may isang video game noon na maaaring gamitin upang magpapawis at magtagtag ng katawan: ito ay ang Dance Dance Revolution. Sinariwa ito ng netizen na nagngangalang “Gee L. Dee” sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Gee L Dee

“Sino nakakaalala nito? Rich kid ka kapag meron ka nito sa bahay n’yo,” ayon sa caption ng post.

Nanariwa naman ito sa alaala ng mga netizens at nagbigay sila ng kanilang mga karanasan hinggil dito.

“Wala kaming ganyan, hindi ko rin yan nasubukan. Hindi kasi kami rich kid hampaslupa lang kami hahaha, joke lang. Nasubukan ko namang maglaro niyan sa mga arcadan sa malls,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ginawang doormat namin ‘yan, bago pumasok yung bisita namin pinasasayaw muna namin para mapagpag yung dumi, hahahaha.”

“Nanalo pa ako niyan dito sa amin noong fiesta dati. Tapos noong nakabili na kami, hindi na uso iyan hehehe.”

Ang “Dance Dance Revolution” o kilala rin bilang “Dancing Stage” sa Europe, Gitnang Asya, Middle East, Africa, Timog Asya at Oceania, ay isang music video game series na inilunsad at inilabas ng “Konami”sa Japan. Ito ay itinuturing na “pioneering series of the rhythm and dance genre” sa larangan ng video games.

Sinumang manlalaro nito ay kailangang tumuntong sa isang “dance platform” o ang entablado nito at kinakailangan niyang tapakan ang mga colored arrows na ididikta ng musical at visual cues. Ang remarks na maririnig ng manlalaro kapag tama ang pagsunod ay “Marvelous” para sa pinakamataas, “Perfect”, “Great”, “Good”, “Almost”, at “Miss” para sa pinakamababa.

Hinuhusgahan ang manlalaro kung makasusunod ba siya sa mga patterns na makikita sa monitor, at kung mapagtatagumpayan naman niya, makapagpapatuloy pa siya na makapamili ng mas maraming musika o kanta na maaaring sayawin.

Orihinal itong makikita sa mga arcade sections ng mga mall, na isa sa mga naging highlights nila, subalit nagkaroon din ng portable version para naman sa mga bahay. Noong 2019, inilabas ang current version nito na “Dance Dance Revolution A20”.

Public Domain Image

Loading…