NFA rice na ipinamahagi sa mga residente ng Puerto Princesa may amag?

  • NFA rice na ibinigay sa mga residente ng Puerto Princesa nakitaan ng amag
  • Nadismaya ang chairman ng committee on appropriations na si City Councilor Victor Oliveros dahil sa pangyayari
  • Hihilingin umano ng city government na mapalitan ang mga bigas na may amag

Dismayado ang city councilor ng Puerto Princesa City, Palawan na si Victor Oliveros sa local office ng National Food Authority matapos makitaan ng amag ang libo-libong sako ng bigas na ipinamahagi sa mga residente na apektado ng umiiral na health crisis sa bansa.

Imahe mula sa City Goverment of Puerto Princesa

Sa ulat ng Tribune, sinabi umano ni Councilor Oliveros, ang chairman ng committee on appropriations, siya ang napagbubuntunan ng negative feedbacks mula sa mga mahihirap na residente ng lungsod dahil ang NFA rice na ipinamahagi ng city government ay may amag na.

Pinag-iisipan umano nila na ibalik ang mga bigas sa NFA warehouse sa Puerto Princesa City.

Hindi dapat sisihin ng mga residente ang city government dahil ang may kasalanan ng lahat ay ang NFA, ani Oliveros na nagsabi pa na hindi nag-release ng bigas ang NFA hangga’t hindi nagbabayad ang lokal na pamahalaan.

“They do not want to give rice to us if we have no actual payment, yet, there is mold on their rice. We demand they should change it,” sabi ni Councilor Oliveros.

Samantala, wala nang naitalang bagong kaso ng COVID-19 infection sa Palawan. Ang nag-iisang napaulat na nagpositibo sa coronavirus disease ay ang 26-year old na Australian national na wala na ngayon sa probinsya.

Imahe mula sa City Goverment of Puerto Princesa

Lumipas na ang 14-day period mula nang umalis sa Puerto Princesa ang Australian tourist noong March 17, 2020.

Sa isang meeting na ipinatawag ni City Mayor Lucilo Bayron, sinabi niya sa lahat ng mga punong barangay ng lungsod na kung wala nang persons under monitoring (PUMs) at persons under investigation (PUIs) na magpopositibo sa COVID-19,ang ibig sabihin ay hindi nahawa sa Australian tourists ang mga taong nakahalubilo nito.

Upang makasiguro, patuloy ang gagawing monitoring sa mga PUMs at PUIs hanggang sa ika-8 ng Abril.

Imahe mula sa City Mayor’s Office

“Medyo luluwag na ang pakiramdam natin na wala siyang nahawaan kasi March 31 na, umalis ‘yung Australyano nung March 17 pa. Pero maliban sa March 31 ay magbigay pa tayo ng another one week. Pag-April 8 na at wala pang nahawaan, nakalampas tayo sa problema na binigay ng Australyano na yan,” ani Mayor Bayron.

Ang naturang Australyano na nakauwi na sa sariling bayan ay napaulat na nakarekober na sa sakit.

Loading…