Nostalgia: Natatandaan mo pa ba ang “ultrasound” ng mga batang 90’s?

  • Sinariwa ng mga “batang 90’s” ang kanilang “ultrasound” noon
  • Sa pamamagitan ito ng pagpindot sa pulsuhan ng kamay ng isang tao at pagbilang sa mga tila butil o butong lilitaw rito
  • Kung ilang butil o buto ang lumitaw, ito raw ang magiging bilang ng magiging anak sa hinaharap

Noong hindi pa uso ang mga makabagong gadgets, paggamit ng internet at social media, simpleng–simple lamang ang kasiyahan ng mga “Batang 90’s” noon. Mas maraming panahon upang makapaglaro ng mga pisikal na gawaing makapagpapalakas ng resistensiya at pangangatawan, at hindi pa kailangang gumastos ng mahal.

Isa sa mga babalikan ng mga tinaguriang batang 90’s o mga lumaki sa panahon ng 1990 hanggang 1999 ang mabilis at hindi kailangan ng kuryente na  “ultrasound” upang malaman ang magiging anak mo sa hinaharap. Binalikan iyan sa Facebook page na “We are 90’s (Kami ang Batang 90’s) ng netizen na nagngangalang “Pej Magno.”

Imahe mula sa Facebook page na “We are 90’s” / Pej Magno

Ayon sa kaniyang caption, “Only legend knows-Ultrasound ng batang 90’s” kalakip ang larawan ng pagpisil sa pulsuhan upang mapalabas ang maliliit na tila butil o buto rito. Kung ilan ang butil na lilitaw rito, ito raw ang bilang ng magiging anak mo sa hinaharap. Ultra sound na, “time machine” pa hindi ba?

At syempre, naka–relate much naman dito ang mga netizens, lalo na ang mga batang 90’s.

“Hay naku! Isa ako sa mga nabiktima nito noong bata pa ako, hahaha. Tapos kapag walang lumitaw, sasabihing baog ka at hindi magkakaanak hahaha,” sabi ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Oo naaalala ko ito hahaha. Yung classmate kong lalaki, siya pala talaga ang pumipisil sa kamay ko. Tapos may dalawang lumitaw, sabi niya kambal daw ang magiging anak ko haha. Tapos sabi niya, siya na lang daw ang pakasalan ko dahil bibigyang–katuparan daw niya ang kambal na anak ko. Galawang breezy hindi ba?”

“Naku, para sa akin nagkatotoo ang ultrasound na iyan. May lumitaw na tatlong buto sa pulsuhan ko. Magkakaroon daw ako ng tatlong anak. Ngayon, tatlo nga ang anak ko hahaha,” turan naman ng isa.

Ayon sa agham, ang ultrasound ay “sound waves with frequencies higher than the upper audible limit of human hearing.” Kapaki–pakinabang ang ultrasound sa iba’t ibang larangan. Ginagamit ang ultrasonic device upang ma–detect ang ilang mga bagay at masukat ang distansya nito.

Public Domain Image

Sa medisina, tinatawag na ultrasound imaging o sonography ang pagsulyap sa mga internal organs ng isang tao. Ito rin ang ginagamit sa pagsusuri sa fetus na nasa sinapupunan ng isang buntis.

Samantala, wala namang makaagham na batayan ang naturang mga munting butil o buto sa pulsuhan ng isang tao pagdating sa magiging bilang ng mga anak sa hinaharap.

Loading…