Nostalgic chica, laruan na: Batang 90s favorite snack na Pompoms, mayroon nang collectible toy

  • Mayroon nang collectible toy edition ang 90s chicha na Pompoms
  • Ilalabas raw ito kapag natapos na ang umiiral na enhanced community quarantine
  • Nag-uumpisa naman na ang pre-ordering sa nasabing nostalgic snack na ginawang laruan ngayon

Malaking bahagi ng kabataan ng marami sa atin ang mga chichirya. Madalas man tayong pagbawalan ng mga magulang natin na kumain ng mga ito, wala pa ring nakapigil sa atin at patuloy na binabalik-balikan ang mga tigpi-pisong snack sa paborito nating sari-sari store.

At ang isa sa pinakasikat na chica ng mga batang 90s ay ang Pompoms. Sinasabing ito ang po0r man’s cheese curls dahil sa murang halaga nito. Paborito natin itong lantakan tuwing meryenda o tuwing nanonood ng sinusubaybayang anime.

Larawan mula sa Facebook post ng Aloud Space Lab

Pero ngayon, ang cheesy na snack ay isa na ring laruan. Isang collectible toy na rin kasi ang official mascot ng Pompoms na nakikita natin sa pakete.

Sa Facebook post ng page na Aloud Space Lab, ibinida nilang maglalabas sila ng limited edition toy na hango sa sikat na chichirya.

Nakatakda raw nilang i-release ang cute na laruan kapag daw natapos na ang enhanced community quarantine (ECQ). Pero ngayon daw ay tumatanggap na sila ng order sa pamamagitan ng pagpapadala ng personal message sa kanilang page.

“One of the favorite junk foods from our childhood turned into a toy collectible. We’ll have a limited release once the quarantine is over so PM us now and reserve yours. Thank you!” pahayag ng nasabing Facebook post.

Agad namang dumagsa ang mga batang 90s upang itanong ang ilang detalye ng pre-ordering na mangyayari sa tila bagong mukha ng kanilang paboritong snack. Dahil hindi nakasaad sa post ang presyo, marami ang nagtatanong kung magkano ito.

Larawan mula sa Flickr

Ang ilan naman kahit na hindi pa alam ang detalye ay agad na nagpadala ng mensahe sa page upang makabili ng Pompoms collectible toy. May ilan ring toy fans at collector na gustong maidagdag sa kanilang tinatanging mga laruan.

Mayroon pa rin namang nabibiling Pompoms snack ngayon sa mga grocery store at ilang sari-sari store, ngunit bihira na lamang itong namamataan hindi tulad noong mga panahon na talaga namang sikat na sikat ito.

Loading…