Nurse nakiusap na maging masunurin ang publiko; nais pa raw makita si Mayor Vico Sotto

  • May nakatutuwang paalala at apela ang isang nurse sa publiko
  • “Please stay at home” daw dahil hindi pa sila nagkikita ni Mayor Vico Sotto
  • Mukhang “fan girl” ang naturang nurse ng butihing mayor ng Pasig City

Pinangungunahan ng mga health care workers na kinabibilangan ng mga doktor, nurses, at iba pang mga nasa medical field ang pakikipaglaban kontra COVID–19. Sinusuong nila ang araw–araw na dalang panganib ng pandemya. Hindi biro ang tungkuling nakaatang sa kanilang mga balikat, lalo pa’t ang ilan sa kanila, hindi nakakasama ang mga kapamilya.

Kaya naman ang ilan sa kanila, idinaraan sa iba’t ibang paraan upang maibsan ang kanilang kalungkutan. Patuloy rin silang nagpapaalala sa publiko na makiisa sa enhanced community quarantine sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng kani–kanilang mga tahanan. Gaya na lamang ng kinaaliwang Facebook post ng isang nurse na nagngangalang “Kimberly Villarosa” na nagtatrabaho sa Adventist Medical Center sa Bacolod City.

Imahe mula sa Facebook account ni Kimberly Villarosa/Public Domain Image

Makikita sa kalakip na larawan na mukhang on–duty ang nurse dahil nakasuot pa siya ng PPE. May hawak siyang bond paper na nasusulatan ng nakatutuwang mensahe bilang apela sa publiko. Nakasaad dito na “Please stay at home. Hindi pa kami nagkikita ni Mayor Vico Sotto.”

Mistulang “fan girl” ang naturang nurse ng mahusay at sikat na alkalde ng Pasig City. Payag umano siyang magpalipat sa balwarte nito upang masilayan lamang ang hinahangaang punong–bayan. “In exchange po ng apelyido ninyo? Hahaha (or de latas na lang puwede rin),” aniya.

Naaliw din naman ang mga netizens at sinabihan siyang darating din ang panahong magkikita sila ng mayor; pagkatapos nga lamang ng krisis dahil ipinatutupad pa ang social distancing. May ilan ding nagpasalamat sa mga katulad niyang health care workers na nagsisilbing frontliners.

“Thank you frontliner! Praying for your safety Miss Kim. Can’t wait to be a health care professional soon. Kayo po ang mga bagong bayani ng bayan,” sabi ng isa.

Turan ng isa, “Ay mam! Si Ivana Alawi ang matindi mong karibal diyan, hahaha,” pagbibiro naman ng isa.

Public Domain Image

Sabagay, wala namang masamang mangarap hindi ba? Lahat naman ng magagandang bagay ay may magaganda ring kapalit pagdating ng tamang panahon!

Loading…