OFW nagreklamo sa napakaruming hotel na ginagamit na quarantine facility para sa kanila

  • Hotel sa Quezon City na ginawang quarantine facility para sa mga OFW, napakarumi
  • Nagkalat ang mga labi ng ilang ipis sa loob ng silid
  • May mga basurang matagal nang nakatambak sa ibabaw ng airconditioning units
  • Malabo at marumi ang tubig na lumalabas sa gripo sa lababo at toilet bowl ng hotel

Dinala sa isang hotel sa Novaliches, Quezon City ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) na nagbalik sa bansa kung saan sila isasailalim sa mandatory 14 days quarantine na ipinatutupad ng Department of Health sa lahat ng umuuwing OFWs.

Imahe mula sa nagrereklamong OFW via Mike Navallo

Pagdating sa hotel noong Sabado, ika-11 ng Abril, tumambad umano sa kanila ang napakaruming kondisyon ng pasilidad.

Sa mga larawang kuha ng OFW na ibinahagi niya sa ABS-CBN, makikita ang maruming hotel na tutuluyan nila sa loob ng dalawang linggo. Unang-una na ang parking area na basa ang sahig kung saan iniwan ang kanilang luggage.

Sa silid na ibinigay sa OFW na nagreklamo, makikita ang mga labi ng ilang ipis sa isang sulok ng sahig. Marumi at makikita pa ang makapal na alikabok sa rug o basahan sa pinto ng silid.

Makikita rin sa mga larawan ang basurang matagal nang nakatambak sa ibabaw ng window-type airconditioning units sa labas ng mga silid.

“Ano po kami dun sa barko, COVID-free po kami. Healthy po kaming uuwi dito ng Pilipinas parang feeling namin mas magkakasakit pa kami dahil sa kinakakahinatnan namin dito… Parang dito pa kami magkakasakit…pati sa stress,” sambit ng OFW.

Imahe mula sa nagrereklamong OFW via Mike Navallo

Aniya, ang tubig na lumalabas sa gripo sa lababo at sa water closet ng toilet bowl ay malabo – kulay light brown. Matagal daw bago luminaw ang tubig kaya hindi sila makaligo. Maging ang mga kumot ay hindi rin umano maayos ang pagkakalaba.

“Nagtatrabaho po kami sa cruise ship so, alam po namin ‘yung standard ng kung ano ba ‘yung paglilinis. Ginagawa din po namin ‘yun kung ano man po ‘yung nandito sa hotel, which is hindi naman po talaga na-meet ‘yung standard ng kalinisan,” ayon pa sa nagrereklamong OFW.

Imahe mula sa nagrereklamong OFW via Mike Navallo

Naipaabot na umano nila sa Department of Health (DOH) ang reklamo sa pamamagitan ng mga personnel na kumukuha ng temperature nila.

Ang sagot sa kanila ay ang manning agency ang pumili ng hotel nila. Ang sabi naman umano ng manning agency ay naaprubahan daw ng DOH at Bureau of Quarantine ang nasabing hotel.

Ayon sa nagrereklamo, mahigit isandaan silang mga OFWs na naka-quarantine sa maruming hotel.

Source :

ABS-CBN, Twitter

Loading…