OFW sa UAE, nanawagan sa mga kababayan sa Pilipinas na “huwag puro reklamo”

  • May mensahe ang isang OFW mula sa UAE
  • Sumunod daw sana ang mga kababayan sa Pilipinas sa mga direktiba ng pamahalaan hinggil sa enhanced community quarantine
  • Tigilan na raw ang pagrereklamo, sumunod at makipagtulungan na lamang

Simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon at sa iba pang panig ng Pilipinas, hindi na matapos–tapos ang kaliwa’t kanang reklamo rito; gayundin ang mga taong nahuhuli ng mga awtoridad na lumalabag sa mga panuntunan nito, lalo na sa pagsunod sa curfew.

Kaya naman, isang Overseas Filipino Worker o OFW sa UAE o United Arab Emirates ang nagbigay ng payo sa mga kababayan dito sa Pilipinas na “huwag puro reklamo” at matutong sumunod sa mga direktiba ng gobyerno upang mapigilan na ang pagkalat at paglala ng COVID–19.

Inihatid ito sa Facebook post ng OFW na si “Patricia”.

Public Domain Image

“Kami nga isang maling galaw, penalty agad. Nagreklamo ba kami? NO WORK, NO PAY din kami, nag–rally ba kami? Hindi rin uso relief dito. Nakaka–survive naman kami kahit papaano. May binabayaran kaming bahay rito, pero NEVER kami nagreklamo. Pero bakit ang mga tao sa Pilipinas ang hirap umintindi?” ayon sa post ng OFW.

Sa pagpapatuloy, “Hindi ninyo ba maintindihan na MAHIRAP LANG ANG GOBYERNO NATIN? Lahat naman tayo nahihirapan. Lahat may sariling hinaing. Simple lang hinihiling ng government natin na huwag na tayong lumabas. Para sa atin din naman iyon.”

Naniniwala ang OFW na ginagawa naman ng gobyerno ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang apektado ng ECQ. Hindi umano ito ang tamang panahon upang magtalo–talo, at sa halip ay magtulungan na lamang.

“I believe ginagawa ng gobyerno natin lahat ng makakaya para mabigyan lahat ng relief pero alam natin limitado lang ang budget natin sana maintindihan natin iyon. Hindi naman kasalanan ng government ang crisis na ‘to. Hindi ito ang tamang panahon para pagtalunan ang mga bagay–bagay. Tulungan lang sana, samahan natin ng dasal,” aniya.

Kalakip ng kaniyang mensahe ang isang larawan na nagpapakita ng kaukulang parusa ng pamahalaan ng UAE sa sinumang lalabag sa ipinatutupad na precautionary measures upang mapigilan na ang paglaganap ng COVID–19.

Imahe mula sa Gacebook account ni Patricia Joy Barbadillo/Public Domain Image

Nagkomento naman ang mga netizens hinggil sa post na ito ng OFW.

Sabi ng isa, “Tama. Daming reklamo sa atin, daming magaling!”

“Hindi limitado ang budget. Meron na nga eh. Humingi ng emergency power pero wala pa ring concrete plans. Ang hinihingi ng tao, konkretong plano, hindi pananakot. Baka kaya ka ganyan mag-isip kasi nakakain ka naman araw-araw, eh paano ‘yung ibang wala talaga? Check mo privilege mo,” turan naman ng isa.

Panghihikayat naman ng isa, “Magtulungan na lang tayo. Magbigay ang meron. Hindi lahat kayang ibigay ng gobyerno sa dami ng tao diyan sa Pinas. Kami rito walang work so obviously wala ring sahod pero we need to pay for our rents and bills, kailangan din namin magpadala sa pamilya namin.”

Tandaan: lahat tayo ay may bahagi kaya lahat tayo ay magtulungan!

Loading…