Original acoustic princesses na sina Kitchie Nadal, Barbie Almalbis, at Aia de Leon, may online concert for a cause

  • May online concert ang original acoustic sensations na sina Aia de Leon, Barbie Almalbis, at Kitchie Nadal
  • Gagawin ito sa May 1, 8PM sa kanilang official Facebook page para sa mga naapektuhan ng ECQ
  • Excited na ang fans ng tatlo para sa online edition ng kanilang sold out concert series

Saan mang panig ng mundo ngayon, kanya-kanyang diskarte ang mga musikero upang magbigay ng entertainment sa mga mamamayang naka-stay at home lamang. Marami sa mga ito ang nagsasagawa ng online concert na nagsisilbi ring fundraising show upang makatulong sa mga naapektuhan ng lockdown dahil sa pandemic.

Dagdag sa mga mang-aawit na magbibigay ng aliw sa kanilang fans at naglalayon ding makatulong sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ay ang original acoustic princesses na sina Kitchie Nadal, Barbie Almalbis, at Aia de Leon.

Larawan mula sa Facebook page nina Aia, Barbie, at Kitchie

Sa Mayo 1, ganap na ika-8 ng gabi, muling magtatanghal ang tatlo sa kanilang official Facebook page sa online concert na pinamagatang “Secrets III: An Online Concert featuring Aia, Barbie, and Kitchie.” Ito ang magsisilbing ikatlong bahagi ng sold out concert nilang “Secrets” ngunit ngayon ay gagawin na lamang muna online.

Makikipag-partner ang tatlong acoustic sensations sa mga brands at kompanyang GNN at Smirnoff Mule upang makalikom ng pondo upang bigyan ng ayuda ang mga staff ng ilang resto bar at kainang hindi nakapag-operate sa loob ng umiiral na ECQ.

Ilan sa mga paunang resto bar at establisimyento na matutulungan ng online concert nina Barbie, Aia, at Kitchie ay ang 123 Block, Social House, Saguijo Café and Bar, Mow’s, Route 196, Jess and Pat’s at ‘70s Bistro.

Larawan mula sa Facebook page nina Aia, Barbie, at Kitchie

Inaasahang aawitin ng tatlo ang kanilang hit songs upang aliwin ang fans. Nakilala si Barbie sa kanyang mga kantang High, Overdrive, Ambon, at Tabing Ilog. Si Kitchie naman ay pinasikat ang mga kantang Wag na Wag Mong Sasabihin, Bulong, at Same Ground. Si Aia naman ay nakilala sa bandang Imago na nagpasikat sa mga kantang Ewan, Sundo, Taralets, at Akap.

Pero susurpresahin daw ng tatlo ang mga manonood sa gagawin nilang rendition ng iba’t ibang kanta na unang beses nilang mapapakinggan na itatanghal ng tatlo. Masaya silang makapagpapatuloy ng pagtatanghal kahit na walang available concert venues dahil sa ECQ. Umaasa silang susuportahan sila ng mga OPM fanatic sa kanilang concert for a cause.

Loading…