Orihinal prime kontrabida: Princess Punzalan gagawa ng Hollywood film kapag natapos na ang COVID-19 outbreak

  • Magkakaroon ng Hollywood movie ang aktres na si Princess Punzalan
  • Tungkol daw sa pagkuha ng greencard at residency sa USA ang pelikula
  • Uumpisahan daw nila itong gawin kapag wala nang banta ng C0VID-19 sa Amerika

Sino ba naman ang makalilimot sa award-winning actress na si Princess Punzalan? Siya lang naman ang tinaguriang prime kontrabida ng kanyang henerasyon dahil sa iconic niyang pagganap bilang Selina Pereira sa top series na Mula sa Puso ng ABS-CBN.

Nasundan pa ng iba’t ibang roles ang ginampanan ni Princess ngunit noong 2005 ay iniwan na niya ang showbiz para magkaroon ng sariling pamilya sa US. Dito ay tinahak din niya ang bagong role bilang isang nurse.

Larawan mula sa Instagram account ni Princess Punzalan

Pero kahit nasa ibang bansa, hindi pa rin nawawala ang husay ni Princess sa pag-arte. Sa katunayan, ipamamalas na niya ang bagsik ng isang Pinoy sa aktingan dahil bahagi siya ng isang Hollywood movie na uumpisahang gawin kapag bumuti na ang sitwasyon sa Amerika.

Masayang ibinahagi ni Princess sa Kapuso reporter na si Lhar Santiago sa isang panayam kung paano siya nadiskubre ng isang Hollywood agent. Nasa acting class daw noon si Princess at dahil nagalingan sa kanya ang kanyang acting coach na si Billy, ibinahagi nito ang resume niya sa isang production team.

“She saw what I did. And then, Billy, who’s my acting coach, sent her my resume. She was interested,” sabi ni Princess sa panayam.

Pagmamalaki pa ni Princess, 96 daw silang nagpadala ng resume sa agent at dalawa lamang silang napili para sa role sa pelikulang pinamagatang “The Interview” na tatalakay sa mga nag-a-apply ng greencard para maging American citizen. Napunta raw kay Princess ang role ng isang officer.

Larawan mula sa Instagram account ni Princess Punzalan

May bagong break man sa Hollywood, inilahad ni Princess na huminto pala muna siya sa pagiging nurse sa Amerika. Sa panayam naman niya sa kaibigan at aktres na si Alice Dixson, umalis muna siya sa propesyon upang tutukan ang anak nila ng asawang si Jason na si Ellie.

Agad raw na uumpisahan ang pelikula kapag maaari nang muling kuhanan ang mga eksena sa iba’t ibang lokasyon sa Amerika. Sa kasalukuyan kasi ay may banta ng pandemic sa USA at isa ito sa mga bansang lubhang naapektuhan ng C0VID-19.

Loading…