P1.17 trillion reserve fund inihahanda na ng pamahalaan para sa COVID-19 crisis

  • Naghahanda ang pamahalaan ng P1.17 trillion reserve fund para mapalakas ang ginagawang pagtugon sa health crisis
  • Kung kulang pa rin ang pondo, plano ng pamahalaan na umutang sa Asian Development Bank at World Bank ng $5.6 billion
  • Nauna nang inamin ng Pangulo na ang P270 billion na awtorisado ng Kongreso ay hindi sapat sa mga ginagawang pagsisikap ng pamahalaan bilang pagtugon sa health crisis

Inihahanda na ng pamahalaan ang P1.17 trillion reserve fund na gagamitin upang palakasin ang ginagawang pagtugon sa COVID-19 crisis sa bansa.

Imahe mula sa PCOO

Sa pakikipagpulong ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong Huwebes, ika-9 ng Abril, sinabi niya na may inihahandang P1.17 trillion ang economic managers ng bansa at ang Central Bank.

Katumbas umano ito ng 5-6 percent ng gross domestic product ng bansa.

Sabi ni Sec. Dominguez, ang malaking bahagi ng reserve fund na inihahanda ay mapupunta sa pagsuporta sa ekonomiya at ang iba ay gagamitin upang mapondohan ang mga programa para sa mga “most vulnerable” sa ating mga komunidad at upang matulungan ang mga health workers.

“We have a long breakdown of how we have this program. But, mostly, it was to provide subsidies for the low-income families and workers of the small and medium enterprises. We also spent a lot of money about P600 million for health care and COVID items and the Central Bank has provided P830 billion in liquidity for the economy,” anang kalihim.

Screenshot mula sa video ng RTVM

Kung sakaling kulangin pa rin ang pondo, sinabi pa ng kalihim na may plano ang pamahalaan na umutang sa Asian Development Bank at World Bank ng $5.6 billion.

“Right now, tina-tap natin ‘yung mga kaibigan natin sa ADB at saka sa World Bank and we will probably be borrowing mga 5.6 billion US dollars from them. Kung kulang pa ito, we will go to the commercial market. Pero okay naman ang credit rating natin, tumaas nga. BBB+ na tayo, the highest ever,” aniya.

Si Sec. Dominguez ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghanap ng karagdagang pondo para mapalakas ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.

Nauna nang inamin ng Pangulo na ang P270 billion na awtorisado ng Kongreso ay hindi sapat sa mga ginagawang pagsisikap ng pamahalaan, kabilang na ang relief programs para sa mga mahihirap at kung posible ay para rin sa middle class.

Imahe mula sa PCOO

Loading…