P50-K na gagamiting pangkasal ng magnobyong pulis sa Kalinga, ibinigay sa kawanggawa

  • Magnobyong pulis nakatakdang ikasal ngayong Hunyo
  • Pinili nilang ipagpaliban ang kasal para itulong ang P50-K ipon sa mahihirap
  • Umani ng papuri sa social media ang kanilang ginawa

Maraming plano ang hindi naisakatuparan at naipagpaliban dahil sa COVID-19. Kabilang na rito ang mga plano sa bakasyon at plano sa pagpapakasal.

Image by Jay Cee Pee via Facebook

Ibinahagi ng Pnp Dos Kalinga Pmfc sa Facebook na nakatakda sanang ikasal ang magnobyong Patrolman John Cleveland Pannogan at Nannette Velasco ngayong Hunyo ngunit nagdesisyon silang ipagpaliban muna ito.

Pinili ng dalawa na ibigay na lamang sa programang “Adopt A Family” ang P50,000.00 na kanilang inipon para sa selebrasyon.

Tumutukoy ang “Adopt A Family” sa hakbang ng pulisya para mabawasan ang suliraning kinahaharap ng mga mahihirap na pamilya na siyang lubhang apektado dahil sa enhanced community quarantine.

Sabi ni Police Major Cheryll Balderama, batay sa PIA, pipili sila ng mahihirap na pamilya na siyang tutulungan at saka sila mangangalap ng pondo para makapagbigay ng pangunahing pangangailangan para rito.

Kaugnay ng kanilang kabutihan, binigyang saludo ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PltCol Igan Ballangan ang mga batang pulis sa kabutihang kanilang ipinakita.

“Wedding come once in a life time between two lovers, so the would be couple will plan wittily to have memorable and successful celebration of their love,” sabi sa post. Sa kabila nito, pinili nina Pannogan at Velasco ang makatulong kaya boluntaryo nilang ipinamahagi ang kanilang ipon sa mga nangangailangan.

Hikayat ng pulisya na sana’y mas marami pang mamamayan na may kaya sa buhay ang mamahagi ng biyaya para sa mga kababayan nating nangangailangan.

Umani naman ng papuri sa social media ang ginawa ng dalawa. Habang ipino-post ito, umabot na sa higit 960 reaksyon, at nasa 140 komento ang kuwento ng magnobyo.

Sabi ng isang netizen, “No words can perfectly describe the love for countrymen over self. God Bless you Cleve and Nanette.”

Image by Jay Cee Pee via Facebook

Komento naman ng iba, “Mabuhay 2nd Kalinga PMFC especially to you Sir Pannogan and Ma’am Velasco, a truly inspiring love story.”

Nakabibilib talaga ang pag-iibigan nina Pannogan at Velasco, mas inuna ang pagtulong at kawanggawa bago ang kasal!

Image by Jay Cee Pee via Facebook

Loading…