Paalala ng isang barangay sa mga hindi sumusunod sa home quarantine, idinaan sa drama

  • Idinaan sa drama ng isang barangay sa Quezon City ang mga paalala nito sa mga residente hinggil sa kahalagahan ng home quarantine
  • Isang video ang ibinahagi ng Barangay Matandang Balara na nagpapakita ng posibleng kahihinatnan ng mga matitigas ang ulo na pagala-gala sa lansangan sa gitna ng health crisis
  • Nagpatupad ng total lockdown ang naturang barangay dahil marami na roon ang nagpositibo sa COVID-19

Idinaan sa drama ng isang barangay sa Quezon City ang kanilang paalala sa mga residenteng matitigas ang ulo at hindi sumununod sa patakaran ng home quarantine at patuloy na lumalabas ng kani-kanilang mga tahanan kahit hindi kinakailangan.

Screenshot mula sa video ng Barangay Matandang Balara via Facebook

Isang video ang ibinahagi ng Barangay Matandang Balara sa Facebook page nito na nagpapakita ng isang kunwari ay pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease dahil sa katigasan ng ulo at hindi pagsunod sa home quarantine protocol.

Layunin ng Barangay Matandang Balara na maipakita sa mga residenteng nasasakupan nito kung ano ang posibleng kahahantungan ng hindi pagsunod sa mga alituntuning ipinatutupad sa gitna ng laganap na COVID-19 crisis.

Sa naturang video, makakitang inilalabas ng mga “health workers” na nakasuot ng full protective equipment ang isang “COVID-19 patient” mula sa tahanan nito habang nakasunod naman ang isang babae na todo ang acting sa “pag-iyak” at “paninisi” sa “pasyenteng” naging matigas ang ulo.

“Ang tigas ng ulo mo kasi. Hindi ka nakikinig sa advice ng barangay,” kunwang may paninising palahaw ng matandang babae na nakilalang si Florida Evangelista, isang utility worker sa barangay.

“Ang akin lang po, talagang bukal sa puso ko po ang magsalita ng ganoon kasi po talaga po namang marami po ritong matitigas ang ulo, hindi nakikinig,” sabi ni Evangelista.

Screenshot mula sa video ng Barangay Matandang Balara via Facebook

Ayon naman sa chairman ng barangay na si Allan Franza, iyon ang paraan nila upang maramdaman ng mga nasasakupan ang kanilang panawagan.

“Para lalong maramdaman ng ating mamamayan ang ating panawagan at sila ay sumunod sa batas nang makita kung ano ‘yung kahihinatnan nila pagka matigas ‘yung kanilang ulo,” aniya,

Nagpatupad ng total lockdown si Kapitan Allan Franza nitong ika-14 ng Abril dahil umabot na sa 32 ang confirmed COVID-19 cases sa kanilang barangay.

Loading…