Pagdura sa pampublikong lugar, ‘di wastong pagtatapon ng PPE ipinagbawal sa Muntinlupa City

  • Ipinagbabawal na sa Muntinlupa City ang pagdura at pagsinga sa mga pampublikong lugar
  • Maging ang hindi wastong pagtatapon ng personal protective equipment ay ipinagbabawal na rin sa lungsod
  • Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin ng P5,000

Sa layuning masugpo ang pagkalat ng conoravirus disease o COVID-19, ipinagbawal ng Muntinlupa City government ang pagdura at pagsinga sa mga pampublikong lugar at ang hindi wastong pagtatapon ng personal protective equipment.

Imahe mula sa Wikimedia Commons

Inaprubahan ni City Mayor Jaime Fresnedi ang City Ordinance 2020-089 o ang “Anti-Spitting and Anti-Littering Ordinance of 2020” noong Lunes, ika-13 ng Abril, bilang karagdagang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.

“Since COVID-19 is mainly transmitted through contact or respiratory droplets which can last for a few days on surfaces, we are passing an ordinance penalizing hazardous societal habits that are considered as public nuisances and potentially exposes other persons to COVID-19,” pahayag ng Muntinlupa City mayor.

Aniya, agad na sisimulan ng mga awtoridad ng Muntinlupa ang paghuli sa sinumang dudura o sisinga sa mga pampublikong lugar kabilang ang kalsada, eskinita, bangketa, parks, grocery store, palengke at mga transport terminals.

Ipinagbabawal din sa ilalim ng nabanggit na ordinansa ang hindi tamang pagtatapon ng mga personal protective equipment sa mga pampublikong lugar, Gayundin, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdumi at pag-ihi kung saan-saan lang.

Imahe mula sa City Government of Muntinlupa

Ang mga lalabag ay haharap sa parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan at multang limang libong piso.

Hinihikayat ng city government ang publiko na kunan ng litrato o video ang sinumang lalabag sa ordinansa.

Samantala, sinimulan na ng Muntinlupa City ang targeted mass testing ng mga taong pinaghihinalaang may COVID-19. Dinadala ang mga ito sa field testing area sa loob ng local health office kung saan sila kukunan ng swab samples.

Katuwang ng lungsod ang Research Institute for Tropical Medicine sa pagproseso ng mga swab samples.

Loading…