Paglilinaw: Hindi boses ni Jessica Soho ang kumakalat na audio clip tungkol sa COVID-19

  • May kumakalat umano na voice clip kung saan maririnig ang boses ng isang babae na nagbibigay ng babala tungkol sa COVID-19 quarantine
  • Kumalat din ang pekeng balita na ang babaeng nasa likod ng boses na iyon ay ang batikang mamamahayag na si Jessica Soho
  • Agad namang pinabulaanan ng GMA News and Public Affairs na hindi iyon kagagawan ni Soho

Mariing pinabulaanan ng GMA News and Public Affairs na boses ng batikang mamamahayag na si Jessica Soho ang tinig na maririnig umano sa kumakalat na voice clip sa mga group chat at social media.

Imahe mula sa Kapuso Mo, Jessica Soho Facebook page

Ang nasabing voice clip umano ay naglalaman ng mga babala tungkol sa mga mangyayari sa enhanced community quarantine dulot ng COVID-19.

Isang babae umano ang nasa likod ng nasabing voice clip at nilinaw ng Kapuso station na hindi iyon si Soho.

Sa inilabas na pahayag ng GMA News and Public Affairs, naninindigan din sila na hindi rin daw gumagawa ng ganoong pahayag ang batikang mamamahayag.

Nakikiusap din sila sa publiko na huwag nang ibahagi pa sa iba ang voice clip na iyon dahil magdudulot lamang ito ng labis na kalituhan sa sambayanang Pilipino.

Makadaragdag din lamang ito sa mga problema at agam-agam na nararanasan natin sa kasalukuyan dulot ng COVID-19.

Ang insidenteng ito tungkol sa nasabing voice clip ay isang halimbawa ng fake news o pekeng balita na pinalalaganap sa social media para lamang makapagdulot ng mga negatibong damdamin o reaksiyon mula sa mga netizens.

Hinihikayat ang lahat na maging alerto at laging beripikahin ang anumang impormasyon na nababasa, naririnig, o napapanood sa social media.

Imahe mula sa GMA Public Affairs Facebook page

Sa ganitong panahon, hindi lamang COVID-19 ang ating kalaban kundi maging ang mga nagpapalaganap ng mga pekeng balita.

May kaso ring kahaharapin ang mga taong nagpapalaganap ng mga pekeng balita kaugnay sa COVID-19 sa ilalim din ng Cybercrime Prevention Act.

Loading…