Pagsusuot ng face mask at social distancing gagawing mandatory pagkatapos ng ECQ ipinanukala sa Kamara

  • Mandatory ang pagsusuot ng face masks at social distancing pagkatapos ng ECQ isinusulong
  • Inihain ng mga House leaders ang House Bill 6623 o ang “New Normal for the Workplace and Public Spaces Act of 2020”
  • Kulong ng hanggang dalawang buwan at multang hanggang P50,000 ang panukalang parusa sa lalabag sa HB 6623

Naghain ng panukala ang ilang lider ng House of Representatives na naglalayong maglatag ng mga susunding patakaran pagkatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) para sa mga taong lalabas ng kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa UNTV

Sa ilalim ng House Bill 6623 o “New Normal for the Workplace and Public Spaces Act of 2020,” magiging mandatory na ang pagsusuot ng face masks sa publiko at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan. Kailangan ding maglagay ng hand washing o sanitation stations sa mga lugar na madalas hawakan, physical distancing na at least 1 meter at temperature scanning.

Ang mga pagtitipon at ang daloy ng mga tao sa mga pampublikong lugar tulad ng palengke at mga parke ay sisiguruhin na maging “highly regulated” na kailangang sumunod sa “new normal” na patakaran na ipatutupad ng mga local government units.

Ang operasyon ng motorcycle taxi tulad ng Angkas at JoyRide ay suspendido upang maiwasan ang pagkalat ng virus dahil sa pinagsasaluhang helmet at close contact ng rider at pasahero.

Ang mga pasahero sa public transportation ay kailangang  maghugas o mag-sanitize ng kamay bago sumakay, kailangan one seat apart,  may suot na face mask at “contactless” ang paraan ng pagbabayad.

Imahe mula sa Radyo Pilipinas

Ang mga educational institutions ay kailangang magtatag ng online education systems. Popondohan ng national government ang research at development ng mga sistema upang maging tuluy-tuloy ang edukasyon kahit sa panahon ng mga krisis.

Ang mga restaurants ay take-out at delivery services lang muna habang unti-unting ibabalik ang dine-in services. Inirerekomenda ng panukala na itigil muna ang buffet at salad bars upang magkaroon ng mas malaking espasyo sa dining area.

Aatasan din sa ilalim ng panukala ang mga malls at iba pang establisimyento na limitahan ang mga customers na papasok sa kanilang premises. Inaatasan din ang Philippine Statistics Authority na madaliin ang implementasyon ng National ID system.

Screenshot ng PRess Release ng House of Representatives hinggil sa HB 6623

Kulong ng hanggang dalawang buwan at multang hanggang P50,000 ang panukalang parusa sa lalabag sa HB 6623.

Ang House Bill 6623 ay inihain nina House Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Ferdinand Martin G. Romualdez; ACT-CIS Party-list Representative and appropriations chair Eric G. Yap; Anakalusugan Party-list Rep. and public accounts chair Michael T. Defensor; Bulacan Rep. and good government and public accountability chair Jose Antonio R. Sy-Alvarado; at mga Deputy Speakers na sina Luis Raymund F. Villafuerte, Paolo Z. Duterte at Loren B. Legarda.

Loading…