Palaboy sa Thailand na nagsauli ng napulot na pitaka, bahay at trabaho ang naging pabuya

  • Isinauli ng isang palaboy sa Thailand ang isang pitakang naglalaman ng malaking halaga at mga cards sa may–ari nito
  • Tirahan at trabaho ang pabuya sa kaniya ng may–ari dahil sa katapatan at kabusilakan ng kaniyang kalooban
  • Nangyari ito noong pang 2016 pa ngunit muli itong naging trending ngayong 2020 dahil sa pagpapakalat ng magagandang balita sa panahon ngayon ng krisis

Sabi nga sa isang matandang salawikain, “Kapag may itinanim, may aanihin.” Kapag kabutihan ang ibinigay mo sa iyong kapwa, tiyak na kabutihan din ang iyong matatanggap. Ginagantimpalaan ang mga taong mas pinipili ang gumawa ng mabuti sa kabila ng hirap na kanilang sinusuong.

Gaya na lamang ng nangyari sa isang palaboy na lalaki sa bansang Thailand noong 2016 na nagsauli ng napulot niyang mamahaling pitaka na naglalaman ng napakalaking halaga dahil bahay at trabaho ang naging pabuya sa kanya mula sa mayamang lalaking nagmamay–ari nito.

Imahe mula sa Artikulo Blogazine

Ayon sa salaysay ng negosyanteng si “Nitty Pongkriangyos”, napag–alaman niyang nawawala ang kaniyang pitakang Hermes na may lamang pera na THB 20,000 o may katumbas na 30, 000 piso. Maya–maya, nakatanggap siya ng tawag mula sa himpilan ng pulisya. Natagpuan daw ang kaniyang pitaka at naroon daw ang taong nakapulot nito.

Nakaharap nga ni Nitty ang palaboy na nagmagandang–loob na isauli ang kaniyang pitaka, na nagngangalang “Waralop”. Tahanan na nito ang mga kalsada dahil wala umano itong sariling tahanan. Labis niyang hinangaan ang palaboy dahil sa katapatan nito. Kung tutuusin, maaari nitong hindi isauli ang napulot na pitaka upang magsimula ng magandang buhay.

Labis–labis ang pasasalamat ni Nitty sa kabutihan ni Waralop. Sa halip na ilibre ito ng pagkain o bigyan ng pera, binigyan niya ng maayos na matutuluyang apartment ang palaboy. Hindi lamang nagtatapos diyan, ipinasok pa umano niya ito sa pagmamay–ari niyang pabrika upang magkatrabaho at kumita ito nang marangal.

Sinamahan naman ng asawa ni Nitty si Waralop sa pagbili ng mga kagamitan nito sa bahay upang makapagsimula ng bagong buhay. Napag–alaman nilang halos isang taon nang pagala–gala sa mga lansangan si Waralop, at sa MRT natutulog tuwing sasapit ang gabi.

Imahe mula sa Artikulo Blogazine

Tuwang–tuwa naman si Waralop sa mga pagbabagong ito sa kaniyang pamumuhay. Hindi siya makapaniwalang nagbunga ng napakaganda ang kaniyang katapatan at kabutihan. Ayon sa mga taong nakasaksi sa kuwentong ito, sana raw ay maging mabuting halimbawa si Waralop sa lahat.

Tunay na life-changing, ‘di ba? Apat na taon na ang nakalipas subalit patuloy pa ring pinag–uusapan ngayong 2020 ang kuwentong ito na ang dulot ay inspirasyon sa lahat!

Loading…