Palayan, Nueva Ecija namigay ng ayudang P3,000 sa mga mahihirap at middle class na pamilya sa kanilang bayan

  • Hinahangaan ngayon si Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas dahil sa pamimigay ng P3,000 na cash aid
  • Bukod pa ito sa financial aid na makukuha ng mga kwalipikado sa amelioration program ng DSWD
  • Kasama rin sa pamimigay ng ayudang pera ng mayor ang mga middle class families na naapektuhan ang trabaho

Kamakailan ay nag-viral sa social media ng mayor ng Gapan, Nueva Ecija na si Emeng Pascual matapos mamigay ng sako-sakong bigas at iba’t ibang ulam sa kanyang mga nasasakupan. Marami ang humanga sa alkalde at napa-‘sana all’ na lang ang mga taga-iba lugar.

Mukhang biniyayaan ang lalawigan ng Nueva Ecija ng mabubuti at mahuhusay na mayor dahil isa na namang alkalde mula sa probinsya ang trending sa social media. Ito ay matapos mamigay ng lokal na pamahalaan ng Palayan sa 12,000 pamilya ng ayudang pera, bukod pa sa mga food packs na handog nila.

Larawan mula sa Facebook post ni Onibar Aven Dupaya

Kumakalat sa social media ang larawan ng Palayan City Mayor na si Adrianne Mae Cuevas na nag-aabot ng sobre ng ayudang P3,000 para sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) na umiiral sa Luzon. Ang maganda sa proyekto ng Palayan LGU, hindi lamang mahihirap na pamilya ang nakatanggap ng ayudang pera ngunit pati na rin ang mga middle class families sa 19 na barangay na nasasakupan nila.

“The cash was not only for the po0rest of the po0r. We gave food packs and the cash aid to our middle class who have not worked for a month,” sabi ni Mayor Cuevas sa isang pahayag.

Ang tulong na ito ay bukod pa raw sa matatanggap na ayuda ng mga pamilya sa kanilang lugar mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DWSD). Marami din ang natuwa sa ipinamigay na food packs ng lokal na pamahalaan ng Palayan.

Namahagi na kasi sila bigas, manok, gulay, at gatas bago pa man mapagdesisyunan nina Mayor Cuevas na magbigay ng karagdagang cash aid sa kanilang mga nasasakupan. Nakatakda na ring magbigay ng pinansyal na tulong ang LGU sa kanilang mga health workers, kapulisan, sundal0, barangay frontliners, at tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office.

Larawan mula sa Facebook post ni Onibar Aven Dupaya

Napagdesisyunan ng pamahalaang lungsod ng Palayan na magbigay pa ng ayudang pera sa mga mamamayan nila dahil kung ipagsasama raw ito sa perang handog ng programa ng Pangulong Rodrigo Duterte, ay maiibsan ang pasanin ng mga nawalan ng trabaho ngayong ECQ.

Maraming netizens naman ang humanga sa programang ito ng Palayan City. Pahayag nila, sana raw ay maisipan din ito ng mga alkalde sa kanilang lugar para naman sapat ang ayudang matanggap nila.

Loading…