Pamahalaan naglaan ng P200 billion para sa mga lubhang naapektuhan ng health crisis

  • Naglaan ang pamahalaan ng P200 billion bilang ayuda sa mga mamamayang lubos na apektado ng COVID-19 pandemic
  • Nanawagan ang Pangulo sa mga taong mayayaman na tulungan ang mga kababayang higit na nangangailangan
  • May quick response measures na ginagawa ang pamahalaan para sa mga magsasaka at mangingisda

Naglaan ang national government ng hindi bababa sa P200 billion bilang ayuda sa mga low-income households, magsasaka at mangingisda sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa PCOO

Sa isang public address na ipinalabas sa telebisyon noong Lunes ng gabi, ika-30 ng Marso, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing pondo ay ipamamahagi sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng krisis.

“Ang masasabi ko lang, meron tayong 200 billion na ibinigay sa akin ng Kongreso para gastusin ko. Iyon naman ho ang ginagamit kong pakalat ngayon na pera para mabigyan ang lahat. Galing doon sa walang trabaho, may trabaho, kalahating trabaho. Ang mga mayaman, hindi na kasali,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na hindi dapat mangamba ang mga mamamayan dahil mayroong pera ang pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan ng lahat sa gitna ng health crisis.

“Huwag kayong matakot ngayon. Huwag na huwag kayo matakot kasi sabi ko may pera ako, at kung mayroong palpak-palpak diyan kaunti, ayusin namin ‘yan. Ayusin ni Lorenzana (secretary of national defense) ‘yan, the implementor, pati ni Año sa DILG (secretary of Department of the Interior and Local Government), pati si [Carlito] Galvez (tagapagpatupad ng national policy hinggil sa COVID-19). Puro military na ‘yan sila.”

Imahe mula sa PCOO

Hinikayat rin ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng pribadong sektor na ang buhay ay mariwasa na patuloy na tulungan ang mga kababayang higit na nangangailangan.

Kabilang sa sektor na binigyang-pansin ng Pangulo ay ang mga magsasaka at mangingisda. Aniya, may isinasagawang quick response measures para tulungan sila sa gitna ang krisis.

Loading…