Pamahalaan ng Bulacan, hinihikayat ang mga kababayan nila na magtanim para sa food security

  • Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Bulacan na magtanim ang kanilang mga nasasakupan
  • Ito raw ay upang masiguro na mayroon silang mapagkukuhanan ng pagkain kung magpatuloy ang krisis
  • Dahil dito, namigay na ng seedlings at iba pang pananim ang LGU ng Bulacan sa iba’t ibang bayan at lungsod

Ngayong mayroong kinahaharap na krisis ang bansa dahil sa C0VID-19, nagiging suliranin ng maraming Pilipino ang mapagkukuhanan ng pagkain. Marami kasi ang walang trabaho ngayon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon kaya marami ang umaasa sa ayuda, na kung minsan ay hindi nararating ang mga tunay na nangangailangan.

Kaya naman ang pamahalaan ng lalawigan ng Bulacan, sa pangunguna ng kanilang gobernador at aktor na si Daniel Fernando, ay hinihikayat ang kanyang mga kababayan na magtanim upang maisigurong anuman ang mangyari, ay may mapagkukuhanan ng pagkain ang mga ito.

Larawan mula sa Facebook video ni Gov. Daniel Fernando

Bilang pakikiisa sa programa ng Department of Agriculture (DA) na “Plant, Plant, Plant Program” o mas kilala rin bilang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Laban sa C0VID-19” ay nakatakdang mamigay ng mga buto sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa Provincial Agriculture Office, sa pangunguna ni Gigi Carillo, nakatakda silang mamahagi ng halos 49,000 na seedlings at 245 na uri ng buto upang ipamigay sa may-ari ng lupa at ilang mga kababayan nilang nais magtanim upang masiguro na sapat ang pagkukuhanan ng pagkain ng mga Bulakenyo pagdating ng araw.

Kabilang sa mga buto at seedlings na ipinamimigay at kalabasa, sitaw, talong, okra, siling haba, kamatis, at maging mustasa. Inaasahan nilang sa pamamagitan ng mga butong ito ay mahihikayat nila ang mga Bulakenyo na magtanim at makita ang kagandahan at benepisyo nito, kahit walang krisis sa bansa.

Nililinaw din ng pamahalaan ng Bulacan na ginagawa na nila ang proyekto ng pamimigay ng mga buto at pananim bago pa man magkaroon ng ECQ sa Luzon. Prayoridad raw talaga ng pamahalaan ni Gov. Fernando ang pagsiguro sa masiglang industriya ng pagtatanim sa lalawigan.

Larawan mula sa Facebook video ni Gov. Daniel Fernando

Kabahagi ang pamimigay ng seedlings at mga buto sa ilang medical mission na isinasagawa ni Governor Fernando sa buong Bulacan. Kasama ito sa mga ibinabahagi nilang tulong kabilang ang mga gam0t at iba pang pangangailangan ng mga Bulakenyo.

“Pamimigay ng punla at buto ng iba’t ibang gulay para sa sama-samang pagtatanim sa mga bakuran at bukirin upang masustena ang produksyon ng pagkain habang may enhanced community quarantine sa gitna ng C0VID-19 pandemic para sa 21 Bayan at 3 Lungsod ng Lalawigan ng Bulacan,” pahayag ni Fernando sa kanyang Facebook post.

Panoorin ang video ng pamimigay ni Fernando ng seedlings at iba pang pananim:

Pamimigay ng punla at buto ng iba't ibang gulay para sa sama-samang pagtatanim sa mga bakuran at bukirin upang masustena ang produksyon ng pagkain habang may enhanced community quarantine sa gitna ng Covid-19 pandemic para sa 21 Bayan at 3 Lungsod ng Lalawigan ng Bulacan.Kaisa po ang ating Lalawigan para sa Proyekto na Plant Plant Plant ng ating mahal na Pangulo Rodrigo Roa Duterte at Department of Agriculture Sec. William Dar. Katuwang ang pinuno ng tanggapan ng Provincial Agriculture Office na si Gloria Carillo at mga Municipal Agriculture Officers.#WeFightAsOne#WeHealAsOne#PlantPantPlant#GovDF

Posted by Daniel Fernando on Tuesday, April 14, 2020

Loading…