Pamamahagi ng ayudang SAP ng DWSD sa isang barangay sa SJDM, Bulacan, dinumog; social distancing hindi nasunod

  • Ipinamahagi na ang SAP ng mga taga-Barangay Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan
  • Iyon nga lang, hindi naging maayos ang pamamahagi nito dahil sa kumpol ng mga mamamayan
  • Nakalimutan na ang social distancing at siksikan ang mga tao na kumuha ng ayuda

Inaabangan ng maraming Pilipino ang ayudang pera mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa huling araw ng Abril na ang palugit na ibinigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local officials upang maipamahagi ang first wave ng tulong kaya naman marami na rin ang nagkukumahog ngayon.

Sa isang barangay sa San Jose del Monte, Bulacan, bagama’t on time na nakuha ng mga residente ang kanilang ayuda, tila lalo naman silang na-expose sa C0VID-19 dahil sa siksikan at hindi pagsunod sa social distancing sa ginawang pamamahagi ng tulong pinansyal.

Larawan mula sa Facebook post ng Balitang SJDM

Ibinalita ng Facebook page na Balitang SJDM ang naging sitwasyon sa Barangay Kaypian kung saan ginawa sa isang covered court ang pamamahagi ng SAP. Gayunman, tila hindi naging organisado ang pamimigay dahil kitang-kita sa mga larawan ang siksikang mga residenteng kumukuha ng pera.

Nakapila ang mga tao ngunit dikit-dikit naman ang mga ito. Kahit nakasuot ng face mask ang karamihan, hindi pa rin maiwasan ng mga netizens na mabahala dahil sa tila hindi disiplinadong pamimigay ng ayuda mula sa DSWD.

Ayon sa ilang nagkomento, dahil sa ganitong gawi ng mga mamamayan, hindi malabong ma-extend muli ang enhanced community quarantine (ECQ) na umiiral sa ilang rehiyon sa bansa. Kabilang ang Bulacan sa Region III kung saan extended ang ECQ hanggang Mayo 15.

Dismayado rin ang mga netizens sa opisyal ng Barangay Kaypian dahil sa hindi sistemadong pag-aabot ng ayuda. Pahayag ng ilang netizens, sana raw ay bago pinapila ang mga tao ay gumawa nang maayos na proseso ang barangay upang naiwasan ang pagkakadikit-dikit ng mga tao.

Larawan mula sa Facebook post ng Balitang SJDM

Nagulat din ang iba dahil sabi noon ng DSWD sa kanilang mga pahayag ay bahay-bahay nilang dadalhin ang ayuda upang maiwasan ang paglabas ng mga tao dahil mayroon ngang umiiral na ECQ. Ngunit tila naging ‘normal’ na ang pagpapatawag ng mga barangay official sa mga kukuha ng ayuda sa isang lugar katulad ng sitwasyon sa Barangay Kaypian.

Samantala, ang ilang barangay naman sa SJDM ay naghihintay pa rin ng pamamahagi ng DSWD ng kanilang SAP kahit inabutan na ang mga ito sa due na itinalaga ng DILG.

Loading…