Pampawi ng init: Lantakan ngayong summer ang refreshing combo ng tinapay at sorbetes o dirty ice cream

  • Paborito ng mga Pinoy ang masarap na kombinasyon ng ice cream at tinapay
  • Dahil ang mga flavor ng Pinoy sorbetes ay flavor din ng palaman natin sa tinapay, ay naging swak ito sa ating panlasa
  • Mabisa rin itong pampawi ng uhaw ngayong panahon na naman ng tag-init

Ngayong nakabakasyon lang sa bahay ang marami dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) at hindi makapamasyal sa mga sikat na resort at beaches, idinadaan na lang ng mga Pinoy ang paglaban sa init na dala ng summer sa pagkain. Marami ang sumusubok gumawa ng iba’t ibang Pinoy desserts tulad ng haluhalo, at ang iba naman ay recipe mula sa mga banyaga tulad ng dalgona coffee.

Pero para sa maraming Pilipino, mayroong isang pampawi ng uhaw at init ang perfect din bilang meryenda. Hindi lang kasi nito nalalabanan ang maalinsangang panahon at nagibibigay ng preskong pakiramdam sa kakain, isa rin itong magandang panlaman tiyan. Nakatikim ka na ba ng sorbetes na ipinalaman sa tinapay?

Larawan mula sa video ng GMA News

Bahagi na ng kulinarya ng Pilipinas ang Pinoy sorbetes o dirty ice cream kung tawagin ng iba. Matapos daw ang World War II ay sinakop naman ng mga garapinyerang may lamang ice cream ang mga lansangan para mag-alok ng masasarap na sorbetes.

Ayon sa mga food historian, maliban sa masarap na lasa ng Pinoy sorbetes, kuhang-kuha raw nito ang atensiyon ng mga mamimili, lalo na ang mga bata, dahil sa kuliling o bell na pinatutunog ng nagbebenta. Kalaunan ay mas ginawang makulay ang mga garapinyera na naging tatak na rin ng inilalakong Pinoy sorbetes sa lansangan.

Mula sa mga apa at plastic cups, may isa pang paboritong kapares at sisidlan ang Pinoy sorbetes— ang mga tinapay. Bunga raw kasi ito ng pagiging malikhain at mapamaraan ng mga Pilipino. Dahil bihira noon ang ice cream sa bansa at may kamahalan ito, mas pinili ng mga Pinoy na gawing nakabubusog na pagkain ang sorbetes.

Larawan mula sa Facebook page na Neko

Solb na solb nga naman ang mga Pinoy sa pagkain ng tinapay na may sorbetes. Karaniwan kasi, ang mga flavor ng dirty ice cream ay mga lasang gusto talaga nating ipares sa tinapay tulad ng keso, ube, tsokolate, at mantikado kaya kahit weirdo sa unang dinig ang kombinasyong ito, kapag natikman ay siguardong swak sa panlasa.

At ngayong nasa bahay lamang tayo, maaari pa rin naman nating ma-enjoy ang ice cream at tinapay. Marami pa rin namang ibinibentang sorbetes sa mga supermarket, gayundin ang mga tinapay sa mga panaderya.

Panoorin ang kasaysayan ng Pinoy ice cream at ang hilig ng mga Pinoy sa sorbetes at tinapay:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…