Panawagan ng netizen sa DSWD: “Pagkatapos ng pandemic na ito, paki–review ang 4P’s please!”

  • May panawagan sa DSWD ang isang ‘di nakilalang netizen
  • I–review daw sana ang ilang mga guidelines ng 4P’s pagkatapos ng pandemya sa COVID–19
  • Ang 4P’s ay nangangahulugang “Pantawid Pamilyang Pilipino Program”  na naglalayong matulungan ang mga taong pinakamahihirap  o “poorest of the poor”

Sa krisis na dulot ng COVID–19 sa bansa at maging sa buong mundo, nagsanga–sanga na ang mga suliraning panlipunan na naidulot nito. Isa na riyan ang kahirapan. Marami kasing pamilya ang labis na naapektuhan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine kaya naman umaasa ang lahat sa ayudang ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Isa rin sa nakikitang maaaring sandigan ang “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o 4 P’s ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Subalit hindi lahat ay natutuwa rito, batay sa isang Facebook post ng isang netizen na ‘di nakilala, na ibinahagi naman sa Facebook page na “Pilipinas Trending Viral” ngunit sumasalamin umano sa sentimyento ng marami.

Imahe mula sa Facebook page na Pilipinas Trending Viral

Panawagan ng netizen sa DSWD, sana raw ay i–review nila ang ilang mga guidelines sa 4P’s pagkatapos ng pandemya ng COVID–19 dahil ang ibang mga benepisyaryo nito ay “over qualified” na umano at hindi na ang mga tinuturing na “poorest of the poor”.

Inisa–isa ng naturang netizen ang mga dahilan nito. Ang ilan daw ay nasa abroad na, regular ang trabaho sa kompanya, ang iba raw ay nagpapautang pa sa paraan ng 5/6 o may mataas na interes, wala nang anak na pinapaaral subalit nakakakuha pa rin, mga magulang na pasugal–sugal na lamang, at kasali sa mga ilegal na gawain.

Sana raw ay i–check ng pamunuan ang performance sa paaralan ng mga anak nila dahil kung sino pa umano ang mga nakatatanggap, sila ang mga hindi nagpapasa ng mga takdang–aralin at proyekto, at madalas pang magreklamo sa mga bayarin. Giit ng netizen, mas marami pa raw ang deserving dito.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens. May mga sumang–ayon sa claim ng netizen at may mga tumutol at ipinagtanggol ang DSWD.

“Realtalk. Yung ibang 4p’s member na dapat hindi qualified kasali. Marami rito sa lugar namin may anak na abroad, tapos kasali,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang dapat pagtuunan nang pansin ay kung paano natin malalabanan ang virus na ito. Hindi NATIN kalaban ang 4p’s. Kaya tayo pinarurusahan dahil sa ugali nating makasarili, imulat na ang mga mata sa katotohanan.”

Public Domain Image

Ang 4P’s (dating Bangon Pamilyang Pilipino) ay conditional cash transfer program ng pamahalaan sa ilalim ng pamamahala ng DSWD na naglalayong malunasan ang kahirapan ng bansa sa pamamagitan ng pag–iinvest sa kalusugan at edukasyon, upang maiahon ang “poorest of the poor”.

Loading…