Pang. Duterte sa Philippine Navy: Presidential yacht gawing COVID-19 hospital

  • Presidential Yacht BRP Ang Pangulo gagawing healthcare facility para sa mga COVID-19 patients
  • Inatasan ni Pangulong Duterte ang Philippine Navy na gawing ospital ang Presidential Yacht
  • Naghahanap din ang pamahalaan ng mga hotel na maaaring magamit na quarantine facilities para sa mga persons under monitoring at persons under investigation sa COVID-19

Bingyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng direktiba ang Philippine Navy na gawing isang healthcare facility para sa mga pasyente ng COVID-19 ang Presidential Yacht na BRP Ang Pangulo.

Imahe mula sa Philippine Navy

“Ang Philippine Navy, in-alert ko sabi ko ‘yung mga barko ninyo na magaganda, ‘yung Pangulo, ‘yung barko ng Presidente ng Pilipinas, maganda ‘yan. Sabi ko sa Navy, gawing ospital agad, pati magtulong sila ng iba,” pahayag ni Pangulong Duterte noong Biyernes, ika-3 ng Abril.

Ang BRP Ang Pangulo na may habang 77.3 meters ay isang auxiliary command ship na nagsisilbing ekstensyon ng Malacañang na maaaring gamitin bilang opisina ng Pangulo kung kinakailangan. Nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi niya ginagamit ang Presidential Yacht.

“Ang loob niyan parang hotel. Ako po sabihin ko sa inyo, hindi ako nagamit. Tiningnan ko ‘yan umakyat ako minsan kasi may pinuntahan ako sa Bureau of Customs. Pero hindi ko sinakyan ‘yan, kailan man ‘yung yate ng presidente, hindi ako bagay diyan, pang-bangka lang ako,” anang Pangulo.

May pag-uusap na namamagitan ngayon sa gobyerno at private ship owners hinggil sa paggamit ng mga barko bilang floating quarantine facilities upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga pinaghihinalaan at kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa PIA

Bukod sa mga barko, naghahanap din ang pamahalaan ng mga hotel na maaaring magamit na quarantine facilities para sa mga persons under monitoring at persons under investigation sa COVID-19.

Sa pinakahuling pahayag ng Pangulo, muli niyang inulit ang panawagan na iwasan ang pag-uumpukan at panatilihin ang physical distancing upang maiwasan ang pagkahawa sa corononavirus disease.

Source :

PIA, GMA Network

Loading…