Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda para sa COVID-19: “Mag-report kayo!”

  • Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte na magreklamo ang mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan
  • Ayon sa pangulo, puwede raw gamitin ang radio stations o cellphone para maiparating ng mga mamamayan ang kanilang hinaing
  • Handa rin umanong bigyan lahat ng pangulo ng ayuda ang mga hindi pa nakatatanggap

Maraming Pilipino ngayon ang dismayado dahil sa hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa iba’t ibang proyekto ng nasyonal o lokal na pamahalaan. Kadalasan ay naipaaabot ng mga mamamayan ang kanilang pagkadismaya sa mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng social media.

Tila suportado naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘pagrereklamong’ ito ng mga Pilipino. Dahil sa huling address to the nation ng pangulo, sinabi nitong dapat daw ay talagang sumangguni at ibulalas ng mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda ang kanilang boses upang makarating sa kinauukulan.

Larawan mula sa video GMA News

Ayon sa pahayag ng pangulo, maaari daw magreklamo ang mga hindi nabibigyan ng ayuda sa pamamagitan ng radio stations o anumang paraan upang maabot sila sa national government at agad na maaksiyunan ang kanilang hinaing.

“Yung mga hindi pa nakatanggap, let us know by radio or what. Magreklamo kayo sa radio station, barangay captain, and then the mayor,” pahayag ng pangulo.

Hinimok din niya na gumamit ng cellphone ang mga mamamayan at kumontak sa mga action center hotlines ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para maiparating ang kanilang reklamo. Dagdag pa ni Duterte, pabibigyan niya raw ang lahat ng wala pang ayuda.

“Mag-report kayo diyan and it’s a matter of using a cellphone. The governor just ask… kung sino pa hindi nabigyan kasi pabigyan naming lahat,” pagpapatuloy ni Duterte.

Larawan mula sa PNA

Inulan kasi ng reklamo at kuwestiyon ang pamimigay ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kanilang social amelioration program (SAP) dahil piling indibidwal lamang ang nabigyan, taliwas sa unang pahayag ng pangulo na “bibigyan lahat.”

Isa pa sa mga reklamong maugong ngayon ay ang mabagal na pamamahagi ng tulong. Daing ng iba, kung hindi pa raw na-extend ang lockdown ay hindi sila aabot sa unang wave ng mga makatatanggap ng ayuda mula sa SAP.

Panoorin ang buong pahayag ng pangulo:

Source :

GMA News, YouTube

Loading…