Panonood ng COVID-19 documentary sa halip na parusa sa mga curfew violators, ipinatutupad sa La Paz, Iloilo City

  • Mga curfew violators sa La Paz, Iloilo City sa isang basketball court mananatili sa loob ng 12 oras
  • Habang nasa basketball court ay ipinapanood sa kanila ang isang documentary tungkol sa COVID-19
  • Sabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, saka na lang sasampahan ng kaso ang mga curfew violators kapag humupa na ang krisis

Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang isa sa mga hakbang para mapigilan ng pagkalat ng novel coronavirus, marami pa rin ang mga lumalabag sa kautusan.

Imahe mula sa RMN

Sari-saring pamamaraan na ang ginagawa ng mga opisyal ng mga lokal na pamahalan para mapasunod ang mga tao sa itinakdang 8 pm to 5 am curfew hours. Ang iba ay dinaraan sa pananakot gaya ng pagpapaupo sa tabi ng bakanteng ataul. Mayroon namang ibinibilad sa araw ang mga curfew violators.

Sa Laguna, ilang kabataan na nahuling nasa labas ng bahay sa oras ng curfew ang ipinasok pa sa kulungan ng aso.

Paalala ng isang opisyal ng Human Rights Watch Asia, dapat pa ring igalang ng mga lokal na opisyal at ng kapulisan ang mga karapatang pantao ng mga lumalabag sa curfew at iba pang public health regulations gaya ng home quarantine habang ipinatutupad ang mga hakbang para labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa distrito ng La Paz sa Iloilo City, ang mga curfew violators ay hindi ikinukulong sa mga piitan. Dinadala sila sa basketball court sa La Paz Gym kung saan sila mananatili ng 12 hours. Habang naroroon, ipinapanood sa kanila ang isang dokumentaryong palabas tungkol sa COVID-19.

Imahe mula sa ICPO

Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas ay saka na lang sasampahan  ng karampatang kaso ang mga curfew violators kapag humupa na ang krisis.

Mula noong ika-1 ng Abril ay umabot na sa 817 ang curfew violators sa buong Iloilo City, ang 145 sa kanila ay mula sa La Paz.

Source :

NoliSoli, RMN

Loading…