Panukala ni Pacquiao: “New normal” dapat pairalin hangga’t wala pang COVID-19 vaccine

  • “New normal” ipanunukala ni Sen. Pacquiao hangga’t wala pang vaccine para sa COVID-19
  • Ito, aniya, ay upang mabigyan ng proteksyon ang lahat dahil “life will never be the same” habang wala pang tamang gamot para sa salot na virus
  • Ang social distancing at hygiene protocols ang magiging new normal sa panahon ng COVID-19

Planong maghain si Senator Manny Pacquiao ng panukalang batas kung saan ang “new normal” ang magsisilbing code of conduct na dapat sundin ng lahat hangga’t wala pang nalilikhang bakuna laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Imahe mula kay Manny Pacquiao

Binigyang-diin ng senador na sa ilalim ng panukalang “new normal” ang mga physical distancing at hygiene protocols na ginagawa ng mga mamamayan ngayon ay mahigpit pa ring ipatutupad kahit maalis na ang ipinaiiral na enhanced community quarantine.

Ito, aniya, ay upang mabigyan ng proteksyon ang lahat dahil “life will never be the same” habang wala pang vaccine para sa COVID-19.

“Nakakalungkot mang isipin ngunit kailangan talaga nating magkaroon ng panibagong patarakaran sa ating pakikisalamuha kung sakaling mawala na itong ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine,” anang mambabatas.

“Hangga’t hindi natin natatagpuan ang tamang gamot laban sa COVID-19 ay hinding-hindi babalik sa normal ang ating pamumuhay at wala tayong ibang maaaring sandata kundi ang tamang pag-iingat,” paliwanag pa ng senador.

Hinihikayat ni Sen. Pacquiao na pansamantalang alisin na ang mga dating gawi ng pakikipagkamay, beso-beso at yakapan bilang pagbati at sa halip ay gawin ang ojigi – Japanese-style ng pagyukod – o kaya ay kumaway na lang.

Imahe mula sa Sage Asian Language and Education Center

Kabilang sa mga panukala ni Sen. Pacquiao na “new normal” ay ang online shopping, pagkakaroon ng time limit sa pag-shopping at dapat ay wala na ring live audience ang mga sports events tulad ng basketball, boxing, football at mixed martial arts.

Dapat rin umanong sa lahat ng oras ay mayroong hand sanitizer at rubbing alcohol ang mga pampublikong palikuran.

“In short, itong social distancing ang magiging new normal sa panahon ng COVID-19. I think we cannot enforce this properly without the force of law. That is why I will be pushing this New Normal Law so that we can enforce it and require people to follow it. Ito ay hindi para lang sa kanila kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay,” wika ni Sen. Pacquiao.

Samantala, ipinahayag ng senador na muli siyang nagnegatibo sa COVID-19 matapos ang isinagawang PCR-based testing. Nauna na siyang nagnegatibo gamit ang rapid test kit mula sa South Korea.

Imahe mula sa News5

Loading…