Para ‘di na maglabasan: Kapitana masipag na namimigay ng pagkain sa nasasakupan

Imahe mula sa Facebook | MPIO
  • Sampaloc district ang may pinakamataas na kas0 ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila
  • Kaya naman naisip ng kapitana ng isang barangay na mamahagi na ng kumpletong supply mula mantika hanggang mga sangkap ng putahe para sa 380 pamilyang kaniyang nasasakupan
  • Hiling niya, sana ay huwag nang lumabas ang mga residente kung hindi naman mahalaga ang pupuntahan

Sampaloc ang distrito na may pinakamaraming kas0 ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila. Kamakailan lamang ay sumailalim ito sa 48-hour hard lockdown.

Imahe mula sa Facebook | MPIO

Sa pinakahuling tala ng Manila Public Information Office noong April 25, ay may 124 kumpirmadong kas0 nang naitatala rito.

Batid ni Barangay 451 Chairwoman Evelyn de Guzman na mahihirapan siyang panatilihin sa loob ng tahanan ang kaniyang nasasakupan kung kumakalam ang sikmura ng mga ito, kaya naman sinisikap niyang mamahagi ng kumpletong supply ng pagkain para sa pamilya.

“Yung mga naiipon po natin (donasyon), pinagsasama-sama po natin tapos mag-iisip kami kung ano bang puwede naming ibigay sa araw na yun,” paliwanag ni de Guzman.

“Iniisip ko, ‘pag may binigay kami, lahat ibibigay na namin maski maliliit na bagay tulad ng mantika, panggisa. Para hindi na nila maisipang lumabas.”

Nakapamahagi na ang kapitana ng iba’t ibang klase ng almusal, pananghalian, at merienda sa 380 pamilya na kaniyang nasasakupan. Hindi niya rin nalilimutan na bigyan ng ibang putahe ang mga kapatid na Muslim sa kanilang barangay.

Imahe mula sa Facebook | MPIO

Sa kabuuan ay umabot na sa 18 wave ng ayuda ang naipapamahagi sa pangunguna ni de Guzman, bukod pa sa mga tulong galing sa Manila LGU.

Nagpapasalamat naman siya sa kooperasyon ng kaniyang mga nasasakupan upang panatilihing ligtas ang kanilang komunidad. Dahil dito ay hindi siya tumitigil sa pangangalap ng donasyon at paglalabas ng pera mula sa sariling bulsa.

“Sa aming maliit na kaparaanan, sana natugunan ko po ang inyong pangangailangan. Ang hiling ko lang ay ‘wag na po tayong lumabas kung hindi naman po kailangan. Sana, kahit sa ganitong paraan ay napasaya ko po kayo,” aniya.

Loading…