Para surprise ang ulam, netizen binalatan ang mga de-latang pagkain

  • Netizen na naiinip sa bahay, binalatan ang mga de-lata para may surpresa sa kanilang kakainin
  • Agad nag-trending ang post ni Jr Rivera Mayugba
  • May mga nagsabing gusto rin nilang gayahin ang ginawa ng netizen

Naiinip ka na ba sa bahay at gustong makaramdam ng kahit konting surpresa? May kwelang paraan d’yan ang isang netizen.

Binalatan ni Jr Rivera Mayugba ang mga de-latang pagkain na naka-stock sa kanilang bahay para naman magkaroon ng thrill sa kung ano ang maihahain sa kanilang hapagkainan.

Image by Jr Rivera Mayugba via Facebook

Sabi niya sa Facebook, “Binalatan ko mga delata. Para surprise ulam namin mamaya!” Nilakipan pa niya ng post ng #boring at tatlong nakatawang emoticon.

Habang ipino-post ito ay nag-trending na ang kanyang update na nakalikom ng higit 7,800 reaksyon, 790 komento at nasa 34,000 na pagbabahagi. Marahil ay inspired ito sa kuwentong nag-viral din noong Nobyembre 2019 kung saan isang netizen ang naglagay ng element of surprise sa kanyang mga uulaming de lata.

May mga natuwa sa paandar ni Jr at nagsabing gusto rin nilang gawin ang ginawa nito. Sabi ng isa, “Gawin ko rin kaya ito? Why not? Good idea. Hahaha.”

Sabi naman ng iba na hindi rin sila masusurpresa dahil puro sardinas ang mga de-lata sa kanilang bahay. Komento naman ng iba, mayroong tatak ang mga de-lata sa may takip at kahit balatan man ito ay kita parin kung sardinas o tuna ang nasa loob.

Sabi pa ng iba, “Malalaman pa rin ‘yan pag kinulog mo ‘yung lata. ‘Pag beef loaf ay solid, ‘pag sardinas ay medyo maluwag, ‘pag corned beef ay medyo solid pero may gap sa ilalim.”

Ano pa ba’t hindi talaga nauubusan ng mga magaganda at nakakatuwang ideya ang mga Filipino. Mayroon at mayroon pa ring naiisip para maging masaya ang araw.

Samantala, nagpaalala naman si Alyssa Sadorra sa Medium tungkol sa mga hindi magandang epekto ng palagiang pagkain ng mga na-proseso tulad ng de-lata. Kabilang na dito ang problema sa bato, altapreson at malnutrisyon.

Image by Jr Rivera Mayugba via Facebook

Sabi niya, “Makatutulong ang pagkain ng mga luntiang dahong gulay, sariwang prutas at pag-inom ng gatas at tubig at pag-eehersisyo para maiwasan ang pagkakasakit.”

Kaya’t marapat din na ating sahugan ng mga gulay kapag lutuin na ang mga de-latang nakaimbak sa ating mga tahanan. Tingin-tingin lang sa paligid at “surprise” baka magkaroon ng magandang ideya para gawing mas masustansya ang mga de-lata.

Nais n’yo rin bang balatan ang mga de-lata para may surpresa sa inyong hapagkainan?

Public Domain Image

Loading…